Susugurin ang closets nina Senators-elect Nancy Binay at Cynthia Villar!
Sa Fashbook, ipapakita niya ang bahay kung saan kasama niyang nakatira ang kanyang buong pamilya. Ikukuwento rin niya ang mga paboritong inihahain sa kanilang tahanan at ang iba't ibang family bondings na ginagawa nila. Ipapakilala rin niya ang kanyang kambal na anak at kung gaano siya ka-hands-on bilang isang ina. Pagdating naman sa fashion, simple lang daw itong si Nancy.
Sa kanyang closet makikita ang kanyang lucky outfit na sinuot niya araw-araw noong halalan. Magkukuwento rin siya tungkol sa kanyang signature style na simple relo lang at pearl earring. Pagdating naman sa beauty, mapag-uusapan ang kanyang dusky skin tone na pinag-usapan at binatikos noong siya ay nangangampanya palang. Aalamin ng Fashbook ang saloobin ni Senator Nancy tungkol sa mga kumukutya sa kulay ng kanyang kutis.
Bukod kay Senator Nancy, susugurin din ng Fashbook ang isa pang newly-elected senator, ang asawa ni Manny Villar na si Senator Cynthia Villar.
Ipapakita rin ni Senator Cynthia ang kanyang closet at ang kanyang mga paboritong fashion items. Aalamin din ng Fashbook ang mga regalo sa kanya ng kanyang asawa't mga anak.
Pagdating naman sa fashion, alamin din ng Fashbook ang bagong floral trends. Kasama na rito ang accessories na may flower accents. Usong-uso raw ang floral bracelets with beads, floral brooch, at footwear with floral designs. Pagdating naman sa kasuotan ngayong 2013 bumibida ang floral outfits na may tropical designs, oriental touch at big floral prints na may dark accents.
Bukod sa usong designs, ituturo rin ng Fashbook kung papaano mag-terno kapag naka-suot ng floral. Ayon sa kilalang celebrity stylist na si Bea Constantino, maaring i-terno ang floral outfits sa items na may neutral colors ngunit mamari na ring magsuot ng floral mula top hanggang bottom. Kung dati raw ay isa itong fashion faux pas, ngayon nakikitaan na rin ang ilang Hollywood celebrities na nagsusuot ng floral mula ulo hanggang paa.
Maliban sa floral trends, uusisahin din ng Fashbook ang mga bagong disenyo ng gowns na ginagamit sa Flores de Mayo. Sa ibang Flores de Mayo festivals daw ay nagpapakita na ng modern version ng traditional Filipino gowns.
Ang traditional terno na may butterfly sleeves, ngayon binigyan na ng modern twist na naging Techo Filipiniana. Sa latest collection ng fashion designer na si Ariel Agasan kung saan nagpakita siya ng modernized Filipina gowns, makikita ang mix of designs at materials gaya ng frosted organza, lace, at mesh o skin tone. Kumpara sa traditional terno, talagang mas hapit na ang mga ito sa katawan at mas nagpapakita na ng skin.
Mapapanood ang Fashbook tuwing Miyerkules, 10 PM, pagkatapos ng SONA sa GMA News TV.