Mga Pinoy sa Taiwan, pinayuhang manatili muna sa loob ng bahay, trabaho
Pinayuhan ng pamahalaan ang mga Pilipino sa Taiwan na manatili muna sa kanilang mga tirahan o trabaho dahil sa lumalalang tensyon bunsod ng pagkamatay ng isang mangingisdang Taiwanese sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte nitong Linggo, pinayuhan ni Antonio Basilio, de facto ambassador ng Pilipinas sa Taipei, ang mga Pilipino sa Taiwan na "limitahan" ang paglabas ng bahay o trabaho upang maiwasan ang umano'y pang-aabuso sa kamay ng mga Taiwanese.
"Kumbaga, ‘yung mga unnecessary things na kailangang gawin ay huwag po muna; kumbaga, to keep within their workplace and their homes po muna there," ani Valte sa panayam sa radyo.
Hinikayat din niya ang mga manggagawang Pilipino na iulat ang mga insidente ng pang-aabuso sa kanila sa Manila Economic and Cultural Office (MECO), ang kumakatawan para sa Pilipinas sa Taiwan.
Noong Mayo 9, nabaril at napatay ng mga awtoridad ng Philippine Coast Guard ang mangingisdang si Hung Shih-cheng, 65, nang subukan umano nitong banggain ang sinasakyan nilang barko sa karagatang malapit sa Batanes sa dulong-hilagang bahagi ng Luzon.
Nagbunga ng sigalot ang insidente sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan. Itinigil muna ng Taipei ang pagtanggap ng mga Pilipinong manggagawa at pinagsabihan ang mga Taiwanese na huwag munang pumunta sa Pilipinas.
Ito ay sa kabila ng paulit-ulit na paghingi ng paumanhin ng pamahalaan ng Pilipinas sa Taiwan.
Ayon sa Commission on Filipino Overseas, mayroong mahigit 93,800 Pilipinong nagtatrabaho sa Taiwan noong Disyembre 2011. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News