Ilang showbiz personalities, inalala si Bella Flores
Sinariwa ng ilang artista ang kanilang alaala kay Bella Flores, ang pumanaw na "prima contravida" ng Philippine showbiz.
Pumanaw si Bella Flores nitong Sabado sa Quezon City General Hospital dahil sa cardiac arrest.
Para sa aktres na si Jolina Magdangal, hindi raw niya malilimutan si Tita Bella na nakasama niya sa isang drama anthology. Naging kaibigan at nakaka-chikahan daw niya ang minsang umapi sa kanya sa harap ng kamera.
"Nagte-telebabad kami, basta tatawag siya sa bahay tapos makikipagkuwentuhan ako sa kanya. Tapos inaabot kami ng madaling araw," batid ni Jolina.
Kabilang din ang Kapuso actress na si Maxene Magalona sa mga nakatrabaho ng beteranang aktres.
Kwento pa nito, ibang-iba raw ang ugali ni Tita Bella kumpara sa mga ginampanan nitong papel sa telebisyon at pelikula.
Ayon kay Maxene, "Very bubbly lang siya na tao. Ang talagang nakakatawa 'yung mga hirit niya. Alam mo, in her raspy voice na talagang maaalala nating lahat."
Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, inalala rin ng mga aktres na sina Caridad Sanchez at Lani Mercado–Revilla ang mga panahong nakatrabaho nila ang pumanaw na aktres.
Wika pa ni Gng. Caridad, "There was a time kasi na I think we were about to do a show then I didn't have that costume, she was really very willing to lent, [sabi pa niya:] 'Oh, i-hanap kita.] That's how I remember. Very nice siya, helpful."
Ani naman ni Lani, "Kengkoy siya, mahilig mag-ayos, posteryosa tapos lagi niya sinasabi na alagaan mo si Bong [Revilla.]" — Mac Macapendeg/KBK, GMA News