Umano'y pinuno ng NPA sa Kalinga, sumuko
Isang pinuno umano ng komunistang grupong New People's Army na nahaharap sa mga kasong pagpatay at pagnanakaw ang sumuko sa mga awtoridad sa probinsiya ng Kalinga. Sa isang pahayag ng Cordillera Regional Police Office nitong Martes, sinabi ni Kalinga Provincial Police Office Director Sr. Supt. Froilan Perez, na sumuko nitong Linggo si Benigno Conggas Cagwayan, 48-anyos. Sinasabing nagmula si Cagwayan sa Balibalan, Kalinga, at may mga alyas na Dukang, Mel at Garcia. Nakasaad sa pahayag na sumuko si Cagwayan sa mga tauhan ng Regional Intelligence Unit (RIU-14), Regional Intelligence Division (RID), Intelligence Group (IG), at Kalinga Police Provincial Office ng Linggo ng umaga. Si Cagwayan ang sinasabing pinuno ng 2nd Larangang Yunit Guerilya (LYG) na may code name na “STEADY” ng Kilusang Larangang Gerilya (KLG) BAGGAS na kumikilos sa Kalinga, ayon sa pahayag. May nakalaang P500,000 pabuya sa kanyang ikadarakip kaugnay ng kinakaharap niyang mga kaso. May anim na warrants of arrest laban sa kanya para sa mga kasong pagpatay at mga pagnanakaw na ipinalabas ng Regional Trial Court Branch 25 ng Tabuk City sa Kalinga. Ang pagsuko ni Cagwayan ay malaking dagok umano sa puwersa ng mga rebelde, ayon kay Cordillera Regional Police Office Director Chief Supt. Benjamin Magalong. "It is an indication that even ranking leaders don't believe of the cause and the violent means the CPP-NDF-NPA had been employing against the government for decades," dagdag niya. - JGV/FRJ, GMA News