Kakaibang modus para nakawan ang nagwi-withdraw sa ATM, alamin
Isang lalaki sa Urdaneta City, Pangasinan ang nasakote matapos mabisto ang kakaiba nitong estilo para manakawan umano ng pera ang kanyang biktima na nagwithdraw sa ATM machine. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing dinakip ng pulisya si Arnold del Rosario, matapos ireklamo umano ng kanyang mga biktima na sina Rizalyn Toquero at Jonalyn Andrada. Taktika umano ni Del Rosario na mag-abang ng magwi-withdraw sa ATM machine at saka pipila kasunod ng biktima. Hindi magtatagal, magrereklamo ito na nagmamadali at sisingitan ang biktima na nasimulan nang makapagtransakyon sa makina. Lingid sa kaalaman ng biktima, kahit nakuha na niya ang ATM card, nananatiling aktibo ang kanyang transaksiyon kung hindi niya ito lubos na nakansela. Ito umano ang sasamantalahin ng suspek at muling magwiwithdraw ng pera mula sa hindi nakanselang transaksiyon ng biktima. Ang isa sa mga biktima, natangayan daw ng suspek ng P25,000. Nadiskubre umano ang taktika ni del Rosario nang magsagawa ng balance inquiry ang mister ni Andrada at makitang nabawasan ang kanilang account matapos ang transaksyong ginawa ng suspek. Tumanggi naman na magbigay ng pahayag sa media ang suspek, ayon sa ulat. - FRJ, GMA News