ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Willie Revillame, gustong magpahinga kaya 'di na magrerenew ng kontrata sa kanyang network


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inanunsiyo ng television host na si Willie Revillame sa kanyang programa nitong Martes na hindi na siya pipirma ng panibagong kontrata sa kanyang home network na magtatapos sa darating na Oktubre. Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na isinulat ni Jojo Gabinete, sinabi umano ni Willie na nagdesisyon siyang ianunsiyo ang kanyang pagbibitiw sa kanyang programang "Wowowillie" para matapos na ang mga espekulasyon tungkol sa hindi niya pagrenew ng kontrata sa TV5. Si Willie ang producer at host ng nabanggit na noontime show na tatagal na rin lamang hanggang Oktubre. Paliwanag ni Willie, kailangan niyang magpahinga at magbigay ng panahon sa kanyang sarili para mag-enjoy ang kanyang mga pinaghirapan. Sabi ni Willie sa PEP, "Ako, I sent a letter, sinabi ko lang I was drained... "Fifty-two years old na ako. Gusto ko naman na i-enjoy ang mga pinaghirapan ko. "Aanhin ko naman ang mga naipon ko kung magkakasakit naman ako dahil sa stress?” Ipinadala umano ni Willie ang kanyang resignation letter kay TV5 Chairman Manny V. Pangilinan noong May 17,  at nitong Martes ay natanggap na raw niya ang sagot ng nabanggit na opisyal. Binasa ni Willie sa PEP ang resignation letter niya kay MVP, na naglalaman ng taus-pusong pasasalamat sa management ng TV5 dahil sa pagtitiwala na ibinigay sa kanya. Nitong Martes ng hapon, naglabas ang TV5 ng maikling pahayag kaugnay ng pagre-resign ni Willie: "We respect the decision of Willie Revillame to retire upon the expiry of his contract." Bukod sa pagbibigay ng panahon sa sarili, sinabi ni Willie na nais din niyang tutukan ang kanyang mga negosyo kabilang na ang itinatayong gusali sa Tagaytay. Wala rin daw dapat ipag-alala ang production staff ni Willie dahil nangako ito na hindi niya pababayaan ang mga tauhan na loyal sa kanya. -- PEP.ph