Taipei: Wala sa karagatan ng PHL ang barkong inatake ng Coast Guard
Naglabas ng satellite record ang Taiwan noong Martes na nagpapakita na wala sa karagatan ng Pilipinas ang barkong pinagbabaril ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard, na ikinamatay ng isang mangingisdang Taiwanese.
Ikinagalit ng mga taga-Taiwan ang pagkamatay ni Hung Shih-cheng, 65, at ipinatigil ng Taipei ang pagtanggap ng mga Pilipinong manggagawa, kasabay din ang ilang pang mga parusa laban sa Pilipinas.
Ayon sa Fisheries Agency ng Taiwan, ipinapakita ng voyage data recorder na wala umano sa karagatang sakop ng Pilipinas ang barko nang pagbabarilin ito noong Mayo 9.
"The satellite records indicated that the Guang Ta Hsin 28 had been fishing within Taiwan's exclusive economic zone throughout," pahayag ng deputy chief ng ahensya na si Tsay Tzu-yaw sa AFP.
Nakikita sa satellite record na nakaposisyon ang barko "122 degrees at 55 minutes" silangan at "19 degrees at 59 minutes" hilaga nang atakehin ito alas-10:12 ng umaga noong Mayo 9.
"Since Philippine authorities repeatedly alleged that the fishing boat had intruded into their waters, then why not make public the video records they claim they have taken from the coastguard boat?" ani Tsay.
Inihayag ng Pilipinas nitong Lunes na makikipagtulungan ito sa Taiwan sa pag-iimbestiga sa insidente.
Iginiit ng Philippine Coast Guard na nanghimasok ang Taiwanese fishing boat sa karagatang sakop ng Pilipinas at sinubukan pang banggain ang kanilang barko, kung kaya napilitan umano silang magpaputok.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Taiwan, nagtamo umano ng 50 na butas ng bala ang bangka at wala umanong ebidensya ng banggaan, kaya tinagurian ng pangulo ng Taiwan na si Ma Ying-jeou ang insidente na isang "cold-blooded murder."
Nagdulot ng sigalot ang insidente sa pagitan ng Taipei at Manila, at pati ang Washington ay nababahala na rin umano.
Inihayag naman ni Justice Secretary Leila de Lima noong Lunes na tutungo ang isang National Bureau of Investigation team sa Taiwan upang suriin ang barko ng mangingisda at kuhanan ng panayam ang mga nakaligtas.
Ayon kay De Lima, ibabahagi nila ang kanilang mga ebidensya sa mga Taiwanese na imbestigador, kabilang ang pahayag ng Coast Guard.
Personal nang humingi ng tawad si Pangulong Benigno Aquino sa insidente, ngunit tinanggihan ito ng Taiwan at itinuloy pa rin ang kanilang banta sa pagtigil sa pagtanggap ng mga bagong manggagawa mula sa Pilipinas, pagpapauwi sa kanilang kinatawan dito sa Maynila, at pagsasagawa ng naval drills sa karagatan sa hilagang bahagi ng Pilipinas.
Patuloy namang iginigiit ng Taipei na maghain ng pormal na paghingi ng tawad ng gobyerno ng Pilipinas at bayaran ang pamilya ng mangingisda at parusahan ang mga nakapatay sa kanya.
Ayon naman sa mga opisyal ng Pilipinas, kumplikado ang paghahain ng pormal na paghingi ng tawad sapagkat mas kinikilala nito ang Beijing kaysa sa Taipei, sang-ayon na rin sa "One China Policy." — Amanda Fernandez /LBG, GMA News