Mga negosyante sa Boracay, nag-alala na sa pag-atras ng mga turistang Taiwanese
Nag-alala na ang ilang mga negosyante sa kilalang Boracay Island resort dahil nagsimula nang magkansela ng hotel reservations ang mga Taiwanese tourist matapos ipagbawal ng Taipei sa kanilang mamamayan ang pagpunta sa Pilipinas.
Sa ulat ni Mao dela Cruz ng dzBB, sinabi rin ni Engr. Percy Malonesio, hepe ng Civil Aviation Authority of the Philippines-Kalibo Aklan Airport, na ilang airline companies ang nag-abiso sa kanselasyon ng mga flight mula at pabalik ng Taiwan simula nitong Miyerkules.
Nakatanggap ang CAAP ng impormasyon mula sa Mandarin Airlines na kinakansela ang kanilang flights mula sa Taiwan.
Inaasahan na rin ang mga kanselasyon mula naman sa iba pang airline companies, dagdag pa ng ulat.
Ngunit sinabi rin ni Malonesio na tuluy-tuloy naman umano ang flights mula sa South Korea at China sa kasalukuyan.
Pangalawa ang Taiwan sa may pinakamaraming tourist arrival sa Boracay noong nakaraang taon.
Ang kanselasyon ng mga flight ay resulta sa tensyon sa pagitan ng Manila at Taipei kasunod sa pagkamatay ng isang Taiwanese fisherman sa pamamaril ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard noong Mayo 9.
Iginiit ng PCG na pinagbabaril nila ang bangka ng manginigsda dahil nagtangka itong banggain ang barko ng Coast Guard sa may Balingtang Channel sa karagatan ng Pilipinas.
Iginiit naman ng Taiwan na nangyari ang insidente sa karagatan ng Taiwan at umano'y isang "cold-blooded murder" ang nangyari.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa inisdente.
Dahil sa di pagkakaunawaan, ipinatigil ng Taipei ang pagtanggap ng mga Pilipinong nag-a-apply ng trabaho sa Taiwan, bukod pa sa ilang "unilateral sanctions" laban sa Pilipinas, kabilang na ang travel advisory na nagbabawal sa mga Taiwanese sa pagpunta sa bansa. — RC /LBG, GMA News