ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Raquel Pempengco to Charice: 'Nandito lang kami ng kapatid niyang si Carl, naghihintay sa pagbabalik niya'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
PEP EXCLUSIVE: Sa kabila ng kontrobersiya, maayos at mabuti raw ang relasyon ni Raquel Pempengco at ang panganay na anak na si Charice. Eksklusibong na-interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) contributor na si Arniel Serato ang ina ng singer sa pamamagitan ng email nitong Lunes ng gabi, May 20. Dito ay sinagot ni Raquel ang ilang mga katanungan kaugnay ng nababalitang alitan nila ngayon ni Charice. Nakuha ng PEP ang email address ni Raquel sa pamamagitan ng Facebook chat, kung saan nakausap siya ni Arniel. Hindi nakapangalan kay Raquel ang account, pero ayon sa source at sa ninong ni Charice na si Robert Ybera, si Raquel daw ang may-ari nito at sa kanya rin daw ang email address na nakuha namin. Tumangging magpa-interview si Raquel nang personal. Aniya, "Magpadala kayo ng tanong sa email, magbibigay ako ng statement hanggang kaya kong sagutin." Sa halos dalawampu't limang tanong na ipinadala namin, labinlima ang pinaunlakan niyang sagutin. Isa na rito ay tungkol sa komunikasyon nila ng anak. Ayon kay Raquel, huli silang nagkausap ni Charice nang mag-email ang anak na may mensaheng: “Happy Mother’s Day, I love you and thank you for what I have done to her.” Ito ay isa raw patunay, na sa kabila ng mga kuwentong umabot umano sa pulisya ang isang kumprontasyon nila, ay okay ang relasyon nilang mag-ina. Sabi pa niya, “Hindi kami nag-aaway at walang pag-aaway na naganap. “She texted me na she wanted to be with her friends and she's coming back again.” MISUNDERSTANDINGS. Kung nagkaroon man daw sila ng hindi pagkakaunawaan ay natural lamang ito sa magkakapamilya. “Siyempre dumarating sa atin na [nagkaka-edad] na tayo at nagkakaisip. “Minsan merong oras na magkasalungat ang paniniwala namin. “Hindi tayo matututo kung hindi natin pagdaraanan yung mga gusto nating daanan—tama man o mali ito.” Giit pa ni Raquel, “Mababait ang mga anak ko, ako na mismo makakapagpatunay nun. “Siyempre, minsan sarado isipan natin dahil gusto lang nating paniwalaan kung ano ang nakikita natin at naririnig. “Lahat naman tayo nagkakaroon ng misunderstanding sa pamilya natin. “Pero nasu-solve naman yun dahil pamilya, e. “Walang magtatanggol sa isa't isa kundi ang pamilya—yun ang ipinamumulat ko sa kanila.” At kung anuman ang dahilan ng pinagdadaan ni Charice, "dapat niyang sabihin sa pamilya lamang niya, hindi kung kani-kanino dahil, hindi mareresolba ng kung sino lang 'yan kundi ang pamilya din." GENDER ISSUE. Kasabay ng nababalitang alitan nila ng anak, mainit ding pinag-uusapan ngayon ang isyu tungkol sa na kasarian ni Charice. Nauugnay daw ito sa X Factor Philippines finalist na si Alyssa Quijano, at napabalitang nagtanan ang dalawa. (Read: Did Charice elope with X Factor finalist?) Nang tanungin ng PEP si Raquel tungkol sa pagkuwestiyon sa kasarian ni Charice, ito ang kanyang tugon: “Hindi ko masasagot 'yan. “Siya lang ang makakakumpirma kung ano talaga ang tunay niya na nararamdaman, kasi hindi ako yun [tamang tao] para sumagot para sa kanya.” Pero aminado si Raquel na may mga pagbabago nang nangyari kay Charice. Sabi niya, “Di naman makakaila na malaki ang ipinagbago niya. “Merong may gusto, merong may ayaw. “Pero isa lang masasabi ko—lahat tayo puwede sumaya, puwedeng magbago. “Isa lang naman ang lagi kong sinasabi sa mga anak ko, ‘Change for the better not for the worst.’” RUMORED RELATIONSHIPS. Tungkol naman sa ugnayan nina Charice at Alyssa, nauna nang nilinaw ni Raquel sa panayam sa kanya ng ABS-CBN News reporter na hindi "pagtatanan" ang nangyari sa dalawa. Gayunman, ayon sa kuwento ni Robert Ybera, namataan si Charice sa harapan ng bahay nila pero hindi naman nila matiyak kung si Alyssa nga ang kasama nito. Sa panayam naman ng PEP, pinabulaanan ni Raquel na may ganoong insidente. “Yung police station na yun, tinanong sa akin kung totoo dahil yun daw balita sa kanila. “Pero sinabi ko na it's just a rumor at walang ganung pangyayari.” Ngunit hindi itinanggi ni Raquel na naging malapit sa kanila si Alyssa. Bago pa man daw kasi ang pagkikita nilang dalawa sa X Factor Philippines, kung saan naging contestant si Alyssa at naging judge naman si Charice, sinabi ni Raquel na nagkikita na sila noon pa sa mga amateur singing contests. Samantala, isa pang nali-link kay Charice ay ang manager nitong si Courtney Blooding. Wala umanong alam si Raquel tungkol sa nababalitang relasyon nina Charice at Courtney. Aniya, “Ang pagkakaalam ko, manager niya 'to at yun ang sabi ni Ming [Charice] sa akin.” Tungkol naman sa kuwento ni Robert Ybera na nagpapatulog daw ng mga "special" fans ang international singer sa loob ng kuwarto niya. Ang sagot ni Mommy Raquel, "Open ako dati sa mga friends nila kasi gusto ko nakikita ko sila. Minsan kasama din sa pamamasyal kasi dun ko sila nakikitang masaya." FINANCIAL ISSUES. Pagdating naman sa isyung pinansiyal, sinabi ni Robert Ybera sa PEP na dumating na raw sa punto kung saan ang kanyang inaanak ay nagwi-withdraw ng “one million a day.” Pero ayon kay Raquel, “Walang basehan para paniwalaan.... “Kahit ako, di ko dapat ipangalandakan ‘yan dahil wala akong hawak na pruweba.” Paano yung tungkol kay Oprah, kunektado pa rin ba si Charice sa famous host? Sagot ni Raquel sa email, "Dati namang wala na sa poder si Charice ni O," pero pagdiin niya, “They still have a communication through email.” Ang dami nang lumabas na kuwento pero anuman daw pinagdadaanan ni Charice, lagi lang daw siyang nakaantabay. “As a mother I'm always here, whatever happens, maghihintay ako. Alam ko babalik siya at paghahandaan ko ang pagbabalik niya nang dalawang kamay dahil anak ko siya.” At sa kabila ng mga isyung lumalabas, umaasa si Racquel  na patuloy pa rin ang suporta ng mga tagahanga sa kanyang anak. Aniya, “Dapat din nating isaalang-alang kung ano’ng meron noon at ngayon, kung bakit siya tinangkilik ng manonood noon. “Dapat din nating isaalang-alang kung ano ang hinihingi ng manonood kesa sa personal na layunin lamang.” Nagbigay rin ng mensahe si Raquel para kay Charice: “Nandito lang kami ng kapatid niyang si Carl, naghihintay sa pagbabalik niya. “Basta tandaan ni Charice, blood is thicker than water. "Whatever happens, family is always there.” --  Arniel C. Serato/Nerisa Almo, PEP
Tags: charice