Pasahero, nanganak sa loob ng LRT1 tren
Nanganak sa loob ng bagon ng LRT 1 tren ang isang ginang nitong Miyerkules ng umaga, ayon sa Light Rail Transit Authority.
Ayon kay LRTA spokesman Hernando Cabrera, ipinanganak ang lalaking sanggol nang palapit na ang tren sa Doroteo Jose Station northbound platform sa Maynila.
"Kanina mga 6:25, may pasahero na inabutan ng panganganak sa loob ng tren habang padating sa D. Jose," ani Cabrera sa panayam ng dzBB.
Nasa mabuting kondisyon ang ina, na hindi agad na pinangalanan, at ang kanyang sanggol matapos silang isugod sa kalapit na ospital, dagdag pa niya.
Ngunit, nilinaw ni Cabrera na hindi makakuha ng ina o ang kanyang anak ng mga parehong pribileheyong kadalasang ibinibigay ng mga airline, tulad ng libreng sakay habambuhay.
"Ayaw namin ma-encourage ang mga kababayan natin na manganak sa LRT. Hindi designed para diyan ang LRT," aniya.
Ayon kay Cabrera, plano sanang pumunta sa Fabella Hospital ang ginang kung saan siya dapat manganak.
Ayon sa kanya, tinulungan ang ginang ng nurse ng Philippine Amusement and Gaming Corp., Maria Cecilia Lopez, at isang ladyguard ng LRT, na pinangalanan lamang niyang Manansala.
"Based sa latest report ng guard natin, maganda ang condition ang mag-ina," aniya.
Ayon sa kanya, hindi naapektuhan ng panganganak ang operasyon ng LRT sapagkat maaga pa nang mangyari ito.
Noong Oktubre, sinabi ni Cabrera na 14 sanggol na ang naipanganak sa loob LRT1 tren mula pa noong 2000.
Ayon sa kanya, mula sa 14, walo sa mga ito ang ipinanganak sa platform at anim naman habang gumagalaw ang tren.
Ang LRT Line 1 ay bumibiyahe mula Baclaran sa katimugang Kamaynilaan hanggang Rosevelt sa Quezon City. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News