Kaso ng dengue sa Iloilo, tumaas; anim na pasyente, nasawi -- report
Tumaas ng kaso ng nakamamatay na sakit na dengue sa Iloilo sa unang limang buwan ng taon, na nagresulta sa pagkasawi ng anim katao. Batay sa datos ng Iloilo Provincial Health Office's Epidemiology and Surveillance Unit, umangat ng 178-percent ang kaso ng dengue sa lalawigan mula Enero 1 hanggang May 11, ayon sa ulat ng Daily Guardian. Tatlo umano sa mga nasawi ay nagmula sa Cabatuan town, at tig-isa sa Banate, Estancia, at New Lucena. Ayon sa opisyal ng provincial health office, nakapagtala sila ng 849 kaso ng dengue, kabilang ang 106 bagong mga kaso. Dahil dito, muling nanawagan si assistant provincial health officer Dr. Ma. Socorro Quiñon, sa mga residente na maging maingat at malinis sa kapaligiran. Ang bayan ng Janiuay ang may pinakamaraming kaso ng dengue na umabot na sa 75, sumunod ang Cabatuan at Banate na may-tig 67 kaso. Mataas din ang bilang ng dengue cases sa bayan ng Oton, 52; Sta. Barbara, 41; Calinog, 40; Pototan, 38; Carles, 37; at Pavia, 36. Nangangamba si Quiñon na baka tumaas pa ang kaso ng dengue sa kanilang lalawigan dahil papasok pa lamang ang panahon ng tag-ulan. Napag-alaman na noong 2010 ay isinailalim sa state of calamity ang Iloilo matapos umabot sa 6,500 katao ang naapektuhan ng dengue, na nagresulta sa pagkasawi ng 32 pasyente. — FRJ, GMA News