AFP: NPA, kumita ng P26M 'lang' sa kanilang raket noong eleksyon
Umabot sa P26 milyon ang halaga ng kinita ng Communist New People's Army mula sa kanilang pangingikil nitong nagdaang eleksyon, inihayag ng militar nitong Miyerkules. Ayon kay Maj. Ramon Zagala, public affairs office chief ng Armed Forces of the Philippines, mas mababa ang halagang ito sa umano'y P500 milyong target ng mga rebelde. "Documents and reports reveal that the New People’s Army targeted P500 million during the elections, but they were only able to collect an estimate of P26 million. That is very far from their target," ani Zagala. Ayon sa kanya, ang pagbaba nito ay umano'y dulot sa "increased operational tempo" ng militar. "We were able to restrict the movements of the New People’s Army in their collection," aniya. Ilang linggo bago ang Mayo 13 eleksyon, inutusan ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga tropa ng gobyerno na magsagawa ng operasyon laban sa mga komunistang rebeldeng nagtatayo ng "roadblocks" at humihingi ng permits-to-campaign mula sa mga lokal na kandidato. Nangongolekta ang NPA, ang armadong sangay ng Communist Party of the Philippines (CPP), mula sa mga kandidato noong panahon ng eleksyon para sa "permits-to-campaign" sa mga lugar na nasa ilalim ng kanilang kontrol. Ayon kay Zagala, karamihan sa mga nakolektang pera ng mga rebelde ngayong panahon ng eleksyon ay nagmula sa National Capital Region, Isabela, Catanduanes, Camarines Sur, Masbate at Negros Oriental. Tumanggi siyang pangalanan ang mga politiko na bumigay sa hiling ng mga rebelde. — Amanda Fernandez/BM, GMA News