Mag-ama na sumilong sa dampa, tinamaan ng kidlat; anak, napuruhan
Patay ang isang 14-anyos na lalaki, habang naospital naman ang kanyang ama, at isa pang lalaki, matapos silang tamaan ng kidlat nang sumilong sa isang dampa sa Kananga, Leyte. Sa panayam, napag-alaman na nagsasaka sa barangay Tagaytay ang mag-amang Constantino “Loloy” Ordaniza, 52-anyos at anak niyang si Christian “Corjoe”, 14-anyos, dakong 3:00 p.m. nitong Martes nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Dahil sa pag-ulan, nagdesisyon ang mag-ama na sumilong sa dampa na pag-aari ni Walter Damas, 21-anyos. Ayon kay Damas, nasa dampa rin nang sandaling iyon, naging mabilis ang pangyayari nang may naramdaman silang tumama sa kanila na dahilan para sila tumilapon ng ilang dipa ang layo. "Akala ko ako lang ang tumilapon, kami palang tatlo," kwento ni Damas na namaga ang binti at paa dahil sa insidente. "Sinikap kong makagapang at nakita ko si Corjoe nangingitim na ito at patay na. Hinila ko rin si Mang Loloy dahil malalim na sa palayan at humingi ako ng saklolo sa isang dampa dahil may tao rin doon," dagdag pa niya. Sinabi naman ni Alberto Jacoma, unang sumaklolo sa mga biktima, naabutan niyang nakahiga na at walang malay si Corjoe habang nakaupo sa lupa si Mang Loloy na hindi maigalaw ang mga paa. "Nangingitim na ang bata (si Corjoe) at saka malamig na patay na. Sumigaw na rin ako upang may iba pang tumulong gamit ang aking sombrero sa pagkaway ngunit walang nakakapansin kaya tumakbo na lang ako sa baryo," kwento ni Jacoma. Ligtas na sa peligro ang nakatatandang Ordaniza at si Damas bagaman nakararamdam pa rin ng pananakit ng ilang bahagi ng kanilang katawan. - Ronnie Roa, FRJ/ GMA News