ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Belmonte at Romualdez, inaasahang maglalaban sa liderato ng Kamara


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sina re-elected Quezon City Rep. Feliciano Belmonte Jr. at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang inaasahang maglalaban sa liderato ng Kamara de Representantes sa papasok ng 16th Congress. Si Belmonte, kasalukuyang Speaker ng Kamara, ay kasapi ng administration party na Liberal Party  (LP), habang si Romualdez naman ang presidente ng oposisyong partido na Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD).   Dahil magpapatuloy ang umiiral na koalisyon ng LP sa iba pang partido, tiwala si Belmonte na mananatili siyang lider ng kapulungan sa pagbubukas ng susunod na Kongreso.   “There will still be a majority coalition even with the presence of 110 Liberal Party lawmakers,” pahayag ni Belmonte sa media nitong Miyerkules.   Kasama sa naturang koalisyon ng LP ang Nacionalista Party (NP) na pinamumunuan ni outgoing Sen. Manny Villar; National Unity Party (NUP) ni re-elected Dasmariñas City Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga Jr.; Nationalist People’s Coalition (NPC) ni Eduardo “Danding” Cojuangco; Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) ni outgoing Sen. Edgardo Angara at mga party-list groups.   Sa sandaling manalo muli si Belmonte, inaasahan na magiging lider naman ng minorya o oposisyon si Romualdez. Sa kasalukuyan, ang minorya sa Kamara ay pinamumunuan ni outgoing Quezon Rep. Danilo Suarez, kasapi rin ng Lakas-CMD. “Under Congressman Romualdez, we are assured that there will be a very solid opposition,”  pahayag ni Suarez.   Inaasahan ni Suarez  na makakasama ng 14 na nanalong kongresista ng Lakas-CMD, ang walong kongresista na nanalo naman mula sa United Nationalists Alliance o UNA. Naniniwala rin ang lider ng minorya na hindi kakaribalin ni re-elected Navotas Rep. Toby Tiangco, spokesman at campaign manager UNA, si Romualdez upang maging lider ng susunod na minorya. Inihayag din ni Suarez, nakikipag-usap na si Romualdez sa ibang mambabatas na nais umanib sa magiging grupo nito sa Kamara.   Dahil labanan sa pampanguluhan ang susunod na halalan sa 2016, inaasahan ni re-elected Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona, kasapi ng NP, na higit na magiging aktibo ang oposisyon sa kapulungan. -- RP/FRJ, GMA News