Lovi Poe o Sarah Geronimo: Sino kaya ang mas matimbang kay governor-elect Migz Villafuerte?
Sa "Tonight With Arnold Clavio" sa GMA News TV, inusisa ng host ng programa kung sino kina Lovi Poe at Sarah Geronimo ang mas matimbang sa youngest governor-elect ng Camarines Sur na si Luis Miguel "Migz" Villafuerte. Sa episode ng "TWAC" na ipinalabas nitong Miyerkules ng gabi, nagpakita ng dalawang larawan ng aktres si Arnold. Unang ipinakita ang picture ni Lovi, na inilarawan ni Migz na dalawang taon na niyang kaibigan. Ayon sa bagong halal na gobernador, tumulong din sa kanyang kampanya nitong nakaraang eleksiyon ang Kapuso actress. Nang ipakita ang larawan ni Sarah, inamin ni Migz na na-link sa kanya minsan ang actress-singer dahil nais niya itong higit na makilala at maging kaibigan. "Kunwari ito ang timbangan natin," tanong ni Arnold kay Migz habang tinitimbang nito ang kayang dalawang kamay. "Lovi Poe, Sarah G., anong medyo...?" Tugon ni Migz, sa ngayon ay magkaibigan sila ni Lovi, samantalang hindi pa niya nami-meet hanggang ngayon si Sarah. Sa challenge na "fast talk" kung saan mamimili ang guest sa mga babanggiting salita ni Arnold, ito ang mga pinili ng batang gobernador. "Maganda o matalino?" -- matalino "Sexy o talented?" -- talented "Magaling kumanta o magaling umarte?" -- magaling kumanta "Younger or older?" -- same age Napag-alaman na kapwa ka-edad ni Migz na 24-anyos sina Lovi at Sarah. Nang tanungin ni Arnold kung darating ang panahon na makakatuwang niya sa buhay si Lovi, tugon ni Migz: "Ako po'y naniniwala na kahit si Lovi Poe o kahit ibang babae basta ma-feel ko na siya na po ang para sa buhay ko, why not." -- FRJimenez, GMA News