ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Babaeng bank exec, patay sa riding-in-tandem nang barilin malapit sa HQ ng NBI sa Taft Ave


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Napatay ang isang bank executive matapos barilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek na nakasakay sa motorsiklo sa Taft Avenue sa Manila nitong Huwebes ng umaga.   Isinugod ang biktimang si Rosemarie Gatan, assistant branch manager ng BPI Bank, Taft Avenue branch, sa Medical Center Manila ngunit idineklara siyang dead on arrival, ayon sa ulat ni Carlo Mateo sa radio dzBB.   Nagmamaneho si Gatan sakay ang kanyang bagong sport-utility vehicle (SUV) sa Taft Avenue at papunta na sa trabaho nang barilin siya sa batok ng mga suspek. Nagawa pa ng biktima na mapatakbo ang sasakyan ng ilang metro bago tumigil malapit sa tanggapan ng National Bureau of Investigation sa Taft.   Sa ulat ng "Balitanghali," sinabi ng mga awtoridad na binaril si Gatan ng mga suspek malapit sa Cosmopolitan Church.   Narekober mula sa insidente ay isang slug ng Super .38 handgun, ayon sa ulat.   Samantala, sinusuri na ng Manila Police District ang closed-circuit television footage sa lugar sa pag-asang makikilala ang mga salarin.   Inaalam din ng mga imbestigador kung posibleng kaso ng "mistaken identity" ang pagpatay kay Gatan, o target ng mga suspek na kunin ang bagong SUV nito.   Sa panayam sa mga kamag-anak at kaibigan ni Gatan, sinabi nila na wala silang kilalang kaaway ang biktima.   Naganap ang pananambang sa kabila ng patuloy na pagpapatupad ng election gun ban, na magtatagal pa hanggang Hunyo 12. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News