Military truck at pampasaherong bus, nagbanggaan sa Ilocos Norte; 1 patay, 15 sugatan
Patay ang isang sundalo, habang sugatan naman ang iba pa niyang kasamahan matapos bumangga sa isang pampasaherong bus ang sinasakyan nilang military truck sa Pasuquin, Ilocos Norte nitong madaling-araw ng Huwebes. Sa ulat ni Argie Lorenzo sa "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing nawalan ng kontrol ang drayber ng military truck nang sumabog ang gulong nito sa unahan. Makaraang umikot ang trak, sinalpok nito ang paparating na pampasaherong bus. Sinikap umano ng drayber ng bus na iwasan ang military truck pero nahagip pa rin ang unahang bahagi ng kanyang sasakyan. Dahil sa pagkakabangga, nawalan din ng kontrol ang drayber ng bus sa kanyang sasakyan na sumalpok pa sa isang bahay. Wala namang nasaktan sa mga sakay ng bus at nakatira sa bahay. Pero hindi naman pinalad si Sgt. Anastacio Hernandez, na nasawi sa aksidente. Isinugod naman sa ospital ang 15 pa niyang kasamahan, at lima umano sa mga ito ang malubha ang pinsala sa katawan. -- FRJ, GMA News