Bagong grupo ng mga imbestigador mula Taiwan darating sa PHL
Nakatakdang dumating ang isang panibagong grupo ng mga imbestigador mula sa Taiwan para sa sarili nilang imbestigasyon sa pagkamatay ng mangingisdang Taiwanese noong Mayo 9 sa karagatan ng Pilipinas sa hilagang Luzon.
Gagawa umano ang grupo ng "parallel probe" sa insidente, na kasalukuyang iniimbestigahan na rin ng National Bureau of Investigation (NBI), ayon sa ulat ni Cecilia Villarosa sa radio dzBB nitong Biyernes.
Noong Mayo 17, nauna nang dumating ang isang grupo ng mga imbestigador ng Taiwan ngunit umalis kaagad ito matapos ideklara na "murder" ang pagpatay sa mangingisda.
Samantala, ayon naman kay Manila Economic and Cultural Office head Amadeo Perez Jr, nakadepende na kay Justice Secretary Leila de Lima kung kailan niya papayagang pumunta na sa Taipei ang grupo ng NBI para sa kanilang imbestigasyon sa kaso.
Ayon pa sa ulat ng dzBB, mayroong posibilidad na magkaroon ng "simultaneous" o sabay na pag-i-inspeksyon ang NBI at mga awtoridad ng Taiwan sa bangka ng namatay na Taiwanese at sa Philippine surveillance ship na sangkot sa engkwentro sa karagatan.
Nagpatupad ang Taiwan ng mga sanction laban sa Pilipinas dahil sa insidente, kasama sa mga ito ay ang pagtigil sa pagtanggap sa mga manggagagawang Pilipino, pagpigil sa mga Taiwanese tourist na magpunta sa Pilipinas, at pagputol ng mga ugnayan ng "sister cities" nito dito sa bansa.
Iginiit din ng Taiwan ang pormal na "diplomatic apology" ng Pilipinas, bagay na hindi maaaring gawin dahil hindi maituturing na isang bansa ang Taiwan sa ilalalim ng "One China Policy."
Hindi tinanggap ng Taipei ang personal na paumanhin ni Pangulong Aquino. — JGV /LBG, GMA News