Elmo Magalona, naka-duet ang namayapang ama na si Francis M sa isang music video
Sa tulong ng modernong teknolohiya, nagawang maka-duet at maakbayan ni Elmo Magalona sa isang music video ang kanyang namayapang ama na si Francis Magalona.
Sa ulat ni Nelson Canlas sa Chika Minute ng "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ng pamilya Magalona ang music video sa nilikhang awitin ni Francis M na "Kaleidoscope World."
Bukod kay Elmo, makikita rin sa music video ang namayapa na ring batikang aktor na si Pancho Magalona, ang ama ni Francis.
Ayon kay Elmo, ginawa niya ang kakaibang music video bilang tribute sa kanyang ama para sa Father's Day at sa mga taong patuloy na sumusuporta sa musika ng kaniyang ama.
Nagpasalamat din kapatid ni Elmo na si Maxene sa mga taong tagasuporta, hindi lang sa musika ng kanilang ama, kundi maging sa paninindigan nito na dapat maging proud bilang isang Filipino.
Pumanaw ang Master Rapper na si Francis M noong 2009 dahil sa sakit na leukemia-- FRJ, GMA News
(video uploaded by OishiPH1)