Bagong hiwalay na si Ai-Ai, may seryosong advice kay Mystica
Kasunod ng kontrobersiyal na pakikipaghiway sa kanyang mister, may seryosong payo ang actress-comedienne na si Ai-Ai delas Alas sa singer na si Mystica, na halos kasabay niyang ikinasal sa mas bata ring lalaki noong Abril. Sa panayam sa telepono sa Startalk TX nitong Sabado, may halong pabiro na hiningan ng host ng programa na si Joey De Leon ng payo si Ai-Ai para kay Mystica na ikinasal din sa mas batang indie actor na si Edwin Nuas. "Siguro sa'ken lang, lahat naman ng mga babae nangarap ng isang matinong pamilya, and I think yung kay Mystica kung totoong nagmamahal sila be it, pero be vigilant," payo ng komedyanteng aktres. "Tingnan din natin kung ano ba yung purpose, kung ano yung mangyayayari," pahabol pa niya. Sa US ikinasal noong Abril si Ai-Ai, 48-anyos, sa 29-anyos na si Jed Salas. Dito naman sa Pilipinas ikinasal sa nabanggit ding buwan si Mystica, 45-anyos, kay Edwin na 23 -anyos. Basahin: Mystica at 23-year-old niyang mister, umaasang wala nang maninira sa kanilang relasyon Sa panayam nina Joey at Lolit Solis, naalala ni Ai-Ai ang biruang pustahan noon sa Startalk kung sino kina Ai-Ai at Mystica ang unang magkikipaghiwalay sa asawa. Paliwanag ni Ai-Ai, ang mga katulad nilang nasa showbiz ay bukas ang emosyon at hindi nila malaman kung ano ang totoo at hindi. "Ang mga babae, lalong-lalo na sa showbizness bukas na bukas ang emosyon niyan, bukas na bukas yung pagtanggap nila ng totoo, yung ganun. Minsan hindi natin nakikita, 'totoo ba 'to o hindi?' Minsan mahirap kasing madistinguish kung totoo yung tao sa sa'yo o hindi," paliwanag niya. Noong nakaraang linggo, emosyunal na inamin ni Ai-Ai na hiwalay na sila ni Jed dahil sa umano'y mayroon itong babae at ginawang pananakit sa kanya. Nananatiling tahimik naman ang kampo ni Jed. Gayunman, may mga usap-usapan na gaganti umano ito ay magsisiwalat ng mga laban kay Ai-Ai. Pero ayon kay Ai-Ai, anuman ang sabihin nilang dalawa ni Jed, "ang Diyos at si Mama Mary lang ang nakakaalam ng totoo, at kung ano ang ginawa niya sa akin." Hindi pa masabi ng aktres kung magsasampa siya ng kaso at kung anong kaso ang isasampa kay Jed dahil sa Lunes pa niya makakausap ang kanyang abogado. Nang tanungin ng "Startalk" hosts kung okey na siya, sabi ni Ai-Ai na maaaring abutin ng dalawa o tatlong buwan bago siya ganap na maging okey. Positibo naman ang kanyang pananaw na malalampasan ang kanyang pinagdadaanang problema sa puso. "Siyempre kailangan tulungan ko ang sarili ko let's all move on di ba. Ganun naman e sabi nga after the rain there's a rainbow," pahayag niya. Muli ring nagpasalamat si Ai-Ai sa mga nagmamahal at sumusuporta sa kanya sa harap ng kanyang pinagdadaanan. - FRJimenez, GMA News