GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

7 sundalo patay, 9 sugatan sa sagupaan sa Sulu

May 25, 2013 6:59pm
Umabot sa 12 katao ang namatay sa bakbakan sa pagitan ng militar at bandidong ABu Sayyaf sa Patikul, Sulu, samantalang siyam naman ang sugatan sa puwersa ng pamahalaan, ayon sa tagapagsalita ng militar.

Sa 12, kabilang ang pitong Marines at limang  miyembro ng bandidong Abu Sayyaf.

Ayon kay Armed Forces spokesman Brig. Gen. Domingo Tutaan, nasa isang tracking operation ang mga tropa ng 2nd Marine Brigade nang maka-engkwentro ang mga bandido dakong 8:45 ng umaga sa Barangay Tugas.

Nagtagal ang putukan ng mahigit isang oras bago tumakas ang mga bandido, na patuloy pa ring tinutugis hanggang ngayon.

“The soldiers were on tracking operations against those involved in recent kidnapping incidents in Sulu, when the firefight in Barangay Tugas occurred…. It was a long firefight. Unfortunately, seven personnel were killed in action and nine were slightly wounded,” sabi ni Tutaan.

“On the side of the Abu Sayyaf, five were reported killed and some were wounded based on reports I got. The pursuit operations are ongoing right now… As we speak, the fighting has stopped and we are on pursuit operations,” dagdag niya.

Ayon kay Tutaan, hindi niya masabi kung gaano karami ang mga bandido pero "it was a large group," at sila ay itinuturong nasa likod ng serye ng mga pangdukot ng ilang mga biktima, kasama na ang asawa ng isang Marine officer.

Hindi naman nagangahulugang dapat katakutan na ang Abu Sayyaf dahil sa pangyayari. “Timing  is a big factor…. I think it was a frontal encounter,” ayon kay Tutaan.

Ayon sa estima ng militar, nasa 300 na lamang ang ABu Sayyaf at matatagpuan sa Sulu at Basilan.

Ang grupo ay nasa likod ng high-profile na pag-atake kasama na ang pagbomba at mga pagdukot sa Sulu.

Dagdag ni Tutaan, patuloy na nakasubaybay sina AFP Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Rey Ardo at 2nd Marine Brigade commander Col. Jose Johnriel Cenabre sa sitwasyon sa lugar.

Ang Abu Sayyaf ay nasa listahan ng terroist organizations ng Amerika.

Mahigit 600 na sundalong Amerikano ang ipinapadala sa Mindanao upang tumulong sa pagsasanay ng mga Pilipinong sundalo laban sa Abu Sayyaf. — JGV, RC /LBG, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus