ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bilang ng mga napatay sa bakbakan sa Sulu, umakyat sa 14 — militar


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nadagdagan pa ng dalawa ang bilang ng mga napatay na mga miyembro ng Abu Sayyaf sa bakbakan sa probinsya ng Sulu noong Sabado.

Sa kabuuhan, umakyat na sa 14 ang mga nasawi – pitong sundalo at pitong mga bandido – ayon sa tagapagsalita ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Armed Forces of the Philippines spokesman Brig. Gen. Domingo Tutaan Jr na nakatanggap sila ng update nitong Linggo na pito lahat ang namatay sa hanay ng Abu Sayyaf.

"Yung initial report, apat... [tapos] naging lima. This morning the AFP received a report that seven of these lawless elements had been killed," aniya sa panayam ng dzBB.

"Efforts are still undergoing to pursue the Abu Sayyaf elements," dagdag pa niya.

Ayon kay Tutaan, ang operasyon ng militar ay magiging "discerning" upang hindi madamay ang mga sibilyan.

Nauna nang inihayag ni Western Mindanao Command spokesman Col. Rodrigo Gregorio na nakasagupa ng mga tauhan ng Marines ang grupo ng Abu Sayyaf madaling-araw noong Sabado.

Ayon kay Gregorio, kinilala ang dalawa sa pitong na napatay na bandido na sina Kumander Apong Idol, "mid-level" na pinuno ng mga bandido, at Kausar Sawadjaan.

Ayon sa ulat ng Philippine News Agency, isinagawa ang operasyon upang iligtas si Casilda Villarasa, 41, asawa ng isang Marine.

Dinukot ng mga bandido si Casilda noong Mayo 8 sa Barangay Asturia sa Jolo, Sulu. Isang medical technologist si Casilda ng Integrated Provincial Health Office sa Jolo.

Kasama niya ang kanyang 9-anyos na anak na babae nang dukutin siya ng mga bandido. Nakatakas ang kanyang anak mula sa pagdukot. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News