Mag-asawa na nag-withdraw ng P1.5M, patay sa isang bala ng riding-in-tandem sa Bulacan
Patay ang isang mag-asawa nang tambangan at barilin ng mga suspek na nakasakay sa motorsiklo sa Malolos, Bulacan nitong Lunes. Kagagaling lang ng mag-asawa sa isang bangko para kumuha ng pera na umaabot sa P1.5 milyon. Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News QRT nitong Martes, sinabing binabagtas ng mga biktima na sakay ng isang SUV ang Ople Road sa Malolos nang biglang mag-overtake ang apat na suspek na nakasakay sa dalawang motorsiklo. Isa sa mga suspek na armado ng kalibre 45 na baril ang nagpaputok sa mga biktima sa loob ng kanilang SUV. Kapwa tinamaan sa leeg ang mag-asawa mula sa iisang bala. Sa kabila ng sugat na tinamo, nagawa pa ring maitakbo ng biktima ang kanilang sasakyan sa isang gasolinahan para makahingi ng tulong. Gayunman, pumanaw ang lalaki sa gasolihan, habang hindi na umabot sa ospital ang ginang. Dahil sa matao ang lugar, sinabing hindi na nakuha ng mga suspek ang pera ng mga biktima. Noong nakaraang linggo, isang mag-asawa rin na galing sa isang bangko ang nasugatan nang tambangan sila ng mga aramadong suspek matapos mag-withdraw ng pera. Nakuha sa mag-asawa ang mahigit $10,000 at mga gamit. Dalawang suspek naman ang nadakip. -- FRJ, GMA News