2 opisyal ng PNP, inalis sa puwesto dahil sa Cagayan ambush; burol ng mga nasawing sundalo sa Sulu, dinalaw ni PNoy
Dalawang opisyal ng elite Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) ang inalis sa kanilang puwesto kaugnay ng pagkamatay ng walo nilang kasamahan sa ambush na isinagawa ng mga komunistang rebelde sa Cagayan. Haharap din sa imbestigasyon ang mga sinibak na opisyal na sina Senior Inspector Ronnie Albino at Superintendent Nestor Lobos upang malaman kung dapat ba silang sampahan ng kasong administratibo, ayon kay Director Carmelo Valmoria, SAF commander. Si Albino ang hepe ng 24th Special Action Company at direct superior ng mga napaslang na pulis. Samantala, si Lobos naman ang kumandante ng 2nd Special Action Battalion. Ang ambush nitong Lunes na ikinamatay ng walong kasapi ng SAF at ikinasugat ng siyam na iba pa ang itinuturing pinakamadugong pag-atake ng mga komunistang rebelde ngayon taon. Papunta sana ang tropa ng SAF sa Allacapan Police Station para sa isang medical examination nang tambangan ng mga rebelde. Ayon kay Valmoria, nagtanim ng improvised explosive device (IED) ang mga rebelde sa ginawang pananambang sa mga pulis. Personal na nakiramay Samantala, personal naman na nakiramay si Pangulong Benigno Aquino III sa mga naulila ng mga sundalo na nasawi sa isang engkwentro sa mga Abu Sayyaf sa Sulu noong Sabado. Pumunta sa burol at ilang minuto na nag-alay ng dasal si Aquino sa mga nasawing sundalo na nakaburol sa Acero Hall sa Marine barracks sa Fort Bonifacio sa Taguig City. Mula sa kanyang President Social Fund, nagbigay si Aquino ng tig-P250,000 na tseke sa bawat pamilya ng mga nasawing sundalo bilang tulong pinansyal. -- JGV/FRJ, GMA News