Pagbabantay sa mga nakamotorsiklo sa Maynila, hinigpitan
Pinaigting na ng mga pulis-Maynila ang pagsubaybay sa mga nagmomotorsiklo, ilang araw bago ang pasukan sa eskuwela.
Ayon sa ulat ni Rodil Vega sa dzBB, pinigil ng mga pulis ang ilan sa mga nagmo-motor na walang helmet at iba pang riders upang tignan ang kanilang mga lisensya.
Sa Maynila, pinigil na ng Manila Police District Anti-Carnapping group ang nasa 20 na naka-motor sa Sampaloc area madaling araw nitong Miyerkules.
Ang mga hindi nakasuot ng helmet at walang maipakitang lisensya ay panandaliang dinala sa MPD headquarters para sa "beripikasyon."
Ayon kay MPD ANCAR head Chief Inspector Rosalino Ibay, gusto lamang nilang tiyakin na hindi gagamitin sa anumang krimen ang mga motor.
Nais umano ng mga pulis na maiwasan ang mga "riding in tandem" na mga kriminal na bumiktima ng mga mag-aaral.
Sa Hunyo 3 na ang pasukan sa elementary at high school, ayon sa Department of Education.
Nakikipag-ugnyan na ang pulis sa mga opisyal ng mga paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa pasukan. — JGV /LBG, GMA News