Binatilyong nagbibisikleta, patay nang nakaladkad ng trak
Pighati ang nararamdaman ng pamilya ng isang 13-anyos na lalaki sa San Carlos City, Pangasinan dahil sa biglaang pagpanaw nito matapos makaladkad ng isang dump truck habang nagbibisikleta. Sa ulat ni CJ Torrida ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, kinilala ang nasawing biktima na si Julius de Guzman, incoming Grade 8 student. Bago umano ang malagim na trahedya, masaya ang bata dahil nakapagpa-enrol na ito sa pasukan at nakakuha na ng clearance matapos asikasuhin ng ina. "Niyakap pa niya mama niya nang mapapirmahan ng mama niya, sabi niya, 'ang galing-galing mo mama, napapirmahan mo na yung clearance ko," kwento ni Vanessa Suarez, tiyahin ng biktima. Niyakap pa umano ng bata ang ina matapos ang naturang pag-uusap na magiging huli na pala. Ayon sa pulisya, posibleng hindi napansin ng driver ng trak ang nagbibisikletang biktima at pinsan nito kaya nahagip at nakaladkad. Masama naman ang loob ng mga kaanak ng biktima dahil hindi raw agad ito nasaklolohan. Nakadetine na sa pulisya ang drayber ng trak na nagsabing hindi naman mabilis ang pagpapatakbo niya nang maganap ang aksidente. -FRJ, GMA News