ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ulat ng Coast Guard sa pagsadsad ng USS Guardian, naisumite na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isinumite na ng isang grupo mula sa Philippine Coast Guard nitong Biyernes ang resulta ng imbestigasyon nito sa pagsadsad ng minesweeper USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Enero.

Sa ulat ni Carlo Mateo sa dzBB, naisumite na umnao ang resulta ng imbestigasyon sa pinuno ng Coast Guard na si Rear Admiral Rodolfo Isorena.

Isusumite naman ni Isorena ang naturang ulat kay Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya, na siya namang mag-aabot nito kay Pangulong Benigno Aquino III.

Kasama umano sa resulta ng imbestigasyon ang mga rekomendasyon ng grupo upang maiwasan na ulit ang insidente.

Tumanggi naman si Coast Guard vice commandant Rear Admiral Luis Tuason Jr na magbigay ng iba pang detalye ukol sa resulta ng imbestigasyon dahil hindi raw siya awtorisadong magsalita ukol dito.

Sumadsad ang USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Enero 17 at nakasira ng 2,345.67 square meters na bahagi ng reef.

Natanggal lamang ang barko noong Marso 30. — JGV /LBG, GMA News