GMA News Online
NewsTV
»
Reel Time

Reel Time

Reel Time presents: Silang Wala sa Mapa

June 4, 2013 2:31pm
REEL TIME
Silang Wala sa Mapa
Airing date: June 9, 2013, Linggo, 8:45 PM




Sa bulubunduking bahagi ng lalawigan ng Sarangani, naninirahan ang ilang katutubong B’laan. Malayo ang lugar mula sa kapatagan at matatarik ang daan kaya’t hindi rin ito nadaraanan ng mga sasakyan. Halos sampung oras ang lalakbayin paakyat sa mga komunidad na hindi naaabot ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno – walang pagkain at malinis na tubig, walang palikuran at walang kuryente ang mga residente. 

Pero hindi raw sila naniniwalang nakalimutan na sila ni Bathala. Isang doktor ang mistulang naging sugo nila para magpatuloy sa paniniwalang may pag-asa pa, silang mga wala sa mapa.

Dalawampu’t limang taon nang volunteer doctor si Dr. Roel Cagape. Libre siyang nanggagamot ng mga pasyente, lalo na sa mga mahihirap at liblib na lugar sa Mindanao. Pero kada isang buwan, umaakyat siya sa mga bundok para magbigay-lunas sa mga B’laan na may karamdaman.

Tinatahak ni Dr. Cagape ang landas na walang katiyakan kasama ang iba pang volunteer nurse at mga social worker mula sa lungsod. Sinusuri nila ang mga bata at matatandang may karamdaman at nagbibigay ng mga libreng gamot sa mga pamilyang suntok sa buwan ang pagpunta sa ospital. Mahigit anim na oras na lakaran kasi ang kailangan bago marating ang pinakamalapit na pagamutan. Kaya’t mababakas sa mukha ng mga residente ang pananabik sa tuwing dinadalaw sila ni Dr. Cagape.

Masasalamin din sa kaniyang misyon ang mabigat na pasanin ng mga B’laang minsan lang makakita ng doktor sa kanilang lugar. Ilang bata ang may sakit na kwashiorkor, o kakulangan ng protina sa katawan. Bihira kasi silang makakain ng karne, at tanging kamote o mais lang ang pantawid-gutom ng maraming pamilya sa kanila. May  marasmus o malnutrisyon din ang ibang mga bata dahil na rin kawalan ng masustansiyang pagkain at malinis na tubig sa kanilang lugar.

Ngayong Linggo, isang dokumentaryong magmumulat at puno ng inspirasyon ang handog ng Reel Time, “Silang Wala sa Mapa”, ngayong Hunyo 9, 8:45 ng gabi sa GMA News TV Channel 11 (Sky Cable Channel 24).



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus