ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaking pinaslang, ibinaon sa lupa kasama ng kanyang motorsiklo sa Pangasinan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Natagpuan na ang bangkay ng isang lalaki na sinasabing pinatay ng kanyang mga kainuman sa Rosales, Pangasinan, at inilibing kasama ng kanyang motorsiklo. Sa ulat ni CJ Torrida ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing kinailangan pa ng mga awtoridad na gumamit ng backhoe para mahukay ang bangkay na ibinaon sa lupa na may lalim na mahigit 20 talampakan. Isinagawa ng pulisya ang paghuhukay sa barangay Acop sa Rosales matapos makatanggap ng impormasyon na mayroong lalaki na ibinaon doon. Makalipas ang apat na oras na paghuhukay, nakita ang motorsiklo at biktima na si Carlito Ulonan, isang magsasaka. Ayon sa anak ng biktima, nagpaalam noong Mayo 27 ang kanyang ama na makikipag-inuman kasama ang ilang kaibigan. Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni P/Insp Jose Resulta, ng Rosales police, na lumilitaw na habang nag-iinuman ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang grupo na humantong sa pagbaril at paglibing kay Ulonan. Dalawang suspek na ang nadakip pero itinanggi nila na may kinalaman sila sa krimen. Tinutugis naman ang isa pang suspek na si Roque Mendoza. - FRJ, GMA News