ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pag-upo sa Kamara ni Cebu Representative-elect Gwendolyn Garcia,  ipinapipigil sa Sandiganbayan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hiniling sa Sandiganbayan ng kampo ng prosekusyon na magpalabas ng kautusan na nagsususpindi kay incoming Cebu Rep. Gwendolyn Garcia kaugnay sa mga kinakaharap nitong kaso habang gobernador ng nasabing lalawigan. Sa inihaing apat na pahinang mosyon ni Prosecution Bureau III acting director Manuel Soriano sa Second Division ng Sandiganbayan, binigyan-diin nito ang tatlong kasong kinakaharap ni Garcia, na kasalukuyan pa ring suspindidong gobernador ng Cebu. Basahin: DILG serves suspension order on Cebu governor Paliwanag sa mosyon, posisyon pa rin sa Cebu ang aakupahin ni Garcia bilang halal na kongresista ng ikatlong distrito ng lalawigan kaya dapat pa rin itong patawan ng suspensiyon habang dinidinig ang kanyang mga kaso.   Ginamit na basehan ng prosekusyon sa kanilang petisyon ang Supreme Court jurisprudence, government fiscals kung saan nakasaad sa Section 13 ng anti-graft law na ang pagsuspindi sa mga nakaupong opisyal na, “unequivocal and mandatory.” “There are no ifs and buts about it . . . Considering the nature of the indictment and the validity of the criminal information, her suspension from any government position and office she may be holding, is mandatory,”  nakasaad sa mosyon. Basahin: Pag-aresto kay suspended Cebu Gov. Garcia, iniutos muli ng Sandiganbayan   Si Garcia ay nahaharap sa two counts ng kasong katiwalian at isang kaso ng malversation kaugnay sa umano'y maanomalyang pagbili ng pamahalaang panlalawigan ng Cebu sa 24.92-hectare property na mas kilalang bilang Balili Estate noong 2008.   Kasama ni Garcia sa asunto sina Sangguniang Panlalawigan member Juan Bolo; Provincial Budget Officer Emme Gingoyon; Provincial Appraisal Committee chairman at Provincial Assessor Anthony Sususco; Provincial Treasurer Roy Salubre; OIC Provincial Engineer Eulogio Pelayre; at private defendants na sina Romeo at Amparo Balili.   Kasabay ng kanyang pagtanggi sa mga alegasyon, naghain ng "not guilty" plea sa korte si Garcia.   Sa mosyon, sinabi ni Soriano na ang paghahain ni Garcia ng “not guilty” plea sa pagdinig noong Marso 22 ay pagpapakita na tinatanggap nito ang "validity of the informations" ng asunto.   Inihayag naman ni Atty. Renato Bocas, tagapagsalita ng Sandiganbayan, na batay sa ginawang pagsusog sa  Section 13 ng anti-graft law, maaaring magpalabas ng kautusan ang anti-graft court na suspindihin ang isang opisyal  na may kaso kahit iba na ang hawak nitong posisyon mula sa dati nitong puwesto nang isampa ang reklamo. “An accused can be suspended from any office which he may be holding at present which may not be the same office under which he was originally charged,” paliwanag ni Bocar. Gayunman, mayroong panuntunan ng Kamara de Representantes kung saan mapapabilang na si Garcia, na tanging ang kapulungan lamang ang maaaring magdesisyon kung paparusahan ang isang inirereklamong kasamahan matapos na maimbestigahan ng kanilang House Ethics committee. -- RP/FRJ, GMA News