Sumbong laban sa pekeng beterinaryo, aaksyunan ng 'Imbestigador'
Imbestigador
Airing Date: June 9, 2013
BETERINARYONG BETERANO (SA PAGPAPANGGAP?)
May sakit ba ang iyong alagang hayop? Doble ingat at siguruhing totoong beterinaryo ang iyong pupuntahan. Sa Sta. Rosa Laguna, isang beterinaryo ang takbuhan ng mga may alagang hayop. Kung umasta raw si “Dok,” akala mo’y beterano sa larangang ito. Pero sa reklamong ipinarating sa Sumbungan ng Bayan, ilang hayop na raw ang kanyang nailagay sa peligro! Sa halip na mabuhay, namatay ang alaga nilang aso. Sa kabila nito, tuloy-tuloy lang si “Dok” sa pagtuturok at pag-oopera ng mga hayop na nasa sensitibong kalagayan. Siniyasat ng Imbestigador ang inirereklamo at napag-alamang hindi pala siya totoong beterinaryo. Paaaminin na si “Dok” at pagbabayarin sa kanyang maling gawain!
PASONG-PASO!
Muntik nang malagay sa kapahamakan ang tatlong taong gulang na anak ni Beth, 'di niya tunay na pangalan. Nalason daw ang kanyang anak matapos kumain ng expired o pasong gelatin. Kaya naman inireklamo niya ang isang bahay na umano’y pinanggalingan ng mga produktong expired sa Nueva Ecija. Tsokolate, kendi, sitsirya – bistadong akala mo’y sariwa pero kinakamay pala! Pagkaing akalaing bago pero pasong-paso na rin! Mula sa pinagmulan hanggang sa pamilihan, huli sa kamera ng Imbestigador ang paglalako ng mga expired na produkto. Tuturuan sila ng leksyon para ‘di na muling makaperwisyo!
Panoorin ang Imbestigador ngayong Linggo, 9:15 PM sa GMA-7!