Party-list Buhay, Magdalo, at An Waray, posibleng malagasan ng 'upuan'
Posibleng mabawasan ng tig-isang puwesto sa Kongreso ang tatlong party-list groups na nauna nang iprinoklamang panalo ng Commission on Elections (Comelec). Ito'y sa sandaling katigan ng Korte Suprema ang petisyon ng dalawa pang party-list groups na nauna nang idiniskwalipika naman ng komisyon. Sa panayam sa telepono ng GMA News Online nitong Huwebes, tinukoy ni Commissioner Lucenito Tagle ang tatlong party-list groups na maaaring mabawasan ng upuan ay ang Buhay Hayaang Yumabon, An Waray at Magdalo Para sa Pilipino. Sa naunang komputasyon sa bilang ng mga boto na basehan kung ilan ang upuan na maaaring makuha ng mga nanalong party-list groups, tatlo ang mapupunta dapat sa Buhay, habang tig-dalawa naman sa An Waray at Magdalo. Ang mga kinatawan ng nanalong party-list groups ay mauupo bilang mga mambabatas sa Kamara de Representantes bilang kinatawan ng sektor na kanilang kinabibilangan. Ngunit kung makakakuha ng paborableng desisyon sa SC ang party-list group na Coalition of Senior Citizens in the Philippines at ang Abang Lingkod na nauna nang idiniskwalipika ng Comelec, magkakaroon ng bagong komputasyon sa party-list group na makakaapekto sa alokasyon ng mga upuan sa Kamara. "Mga possibility pa lang 'yan. Medyo nagkakagulo-gulo kaya magbabawas tayo," ayon kay Tagle. Batay sa komputasyon ng SC na tinawag na "Carpio formula" na basehan ng Comelec sa alokasyon ng upuan sa mga nanalong party-list groups, isang upuan ang ibibigay sa grupo na makakakuha ng dalawang porsiyento ng mga boto sa party-list elections. Hanggang tatlong upuan ang maaaring makuha ng isang party-list group depende sa dami ng nakuha nitong boto, bakanteng upuan at dami ng mga nanalong party-list group na nakakuha ng minimum two percent votes. Kung makakapasok ang Senior Citizens, Abang Lingko, nakatitiyak na makakakuha sila ng tig-isang upuan sa Kamara. - FRJ, GMA News