Suplay ng kuryente sa tanggapan ng piskalya sa Iloilo City, naibalik na
Naibalik na ang suplay ng kuryente sa tanggapan ng mga piskal at empleyado ng korte ng Iloilo City isang araw matapos putulin ang suplay nito. Ayon sa ulat ng The Daily Guardian, mismong ang city hall ng Iloilo na nag-utos na putulin ang suplay ng kuryente sa City Prosecutor's Office at apat na sangay ng Municipal Trial Court. Naapektuhan ang iba pang tanggpan tulad ng Clerk of Court at Parole and Probation Office. Sinabi ni Iloilo Hall of Justice building administrator Engineer Manuel Autajay Jr., na iniutos ang pagputol sa suplay ng kuryente noong Lunes upang mapilitang mag-aplay ang mga apektadong opisina ng kani-kanilang electric meter. Naibalik naman ang suplay ng kuryente sa iba't ibang ahensiya sa lokal na pamahalaan nitong Martes at Miyerkules. Dahil sa naturang insidente, kinailangang lumipat pansamantala ang mga piskal sa terminal market ng lungsod para mag-opisina. Hindi sila makalipat sa Iloilo Hall of Justice dahil isinasailalim ang gusali sa retrofitting bunga ng tinamong pinsala sa nakaraang lindol. Iniutos ng city hall ang pagputol ng kuryente matapos ipagbawal ng Commission on Audit na ang lokal na pamahalaan nagbabayad sa konsumo ng kuryente sa mga opisina ng korte at piskalya. Matapos ang cut-off, kailangang pag-usapan ng Department of Justice, Supreme Court at lokal na pamahalaan kung sino ang dapat managot sa bayarin sa kuryente. Sinabi rin sa ulat na hindi naabisuhan ang mga empleyado ng korte at mga piskal sa gagawing pagputol sa suplay ng kuryente. - JGV/FRJ, GMA News