Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Jose Manalo and Wally Bayola turn to prayers over critical illness of family members

June 7, 2013 3:37pm


Araw-araw napapanood sa Eat Bulaga! sina Jose Manalo at Wally Bayola na masaya, punung-puno ng sigla, at panay ang pagpapatawa.

Ngunit sa likod ng mga ngiti at tawa na ito ay mayroon pala silang dinadalang mabigat na problema sa kanilang pamilya.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang sikat na duo sa taping ng game show nila sa GMA-7 na Celebrity Bluff, na nasa ikatlong season na.

WALLY'S DAUGHTER. Dito ikinuwento ni Wally na pagkatapos niyang maaksidente sa motor, dalawang linggo na ang nakararaan, nalaman nilang may rare disease ang kanyang 17-year-old na anak na babae na si Rian.

Ayon daw sa mga doktor, "orbital tumor" ang sakit ng anak ni Wally.

May tumubo raw na tumor sa gitna ng utak at mata ni Ria na kailangang tanggalin. Maaari raw makaapekto ito at ikabulag ng kaliwa niyang mata.

Ang payo ng kanilang doktor ay ipaopera ito upang tanggalin ang tumor.

Kuwento ni Wally, “Hanggang ngayon, hindi pa rin talaga ma-distinguish kung ano ang tamang treatment sa anak ko, kay Rian.

“By next week, magde-decide ang mga doctors, isang team ito ng mga doctor, kasi rare ang sakit ni Rian.

"Sabi nga ng isang doktor na ipapadala raw ang isang sample sa Amerika, na kapag nalaman daw talaga na siya lang ang meron nun, meron pala niyan na ipapangalan sa ‘yo ang sakit.

“Sa ngayon, nilalakasan na lang namin ang loob namin lahat, tapos dasal.

"Kasi mga doctors nagsabi rin na, 'Dasal lang tayo.'

"Kasi itong gagawin nila, kukunin yata nang buo yung tumor para makita kung ano ang tamang medication."

Kaya todo-kayod daw si Wally ngayon dahil alam niyang magastos ang pagpapagamot kay Rian.

“Dapat sipagan talaga ang trabaho dahil kailangan, e. Medyo magastos ito.

“Sabi nga namin, kahit ibenta namin ang bahay, gumaling lang anak ko.

“Lahat itinataas na lang namin sa Diyos.

“Kung ako, wala akong power, e. Sa Diyos lang lahat ang may power, kapangyarihan, kung ano ang puwedeng mangyari.”

JOSE'S FATHER. Sumang-ayon naman si Jose sa sinabi ni Wally na idaan lahat sa dasal para malagpasan ang problemang dumarating sa pamilya.

Dito na rin ikinuwento ni Jose ang tungkol sa kanyang ama na may sakit na cancer.

“Actually, hindi naging ingay na pareho kami ni Wally ng pinagdadaanan,” simula ni Jose.

“Yung father ko... praise God!

“Nung last 30 ng May... 31 is birthday niya. [May] 29, itinakbo namin siya ng hospital, yung father ko kasi has cancer, stage 4 sa bone.

“Nag fifty-fifty siya nung 30—31 ang birthday niya—bumaba na nang husto ang hemoglobin ng father ko.

"Kailangan salinan ng dugo, pero ayaw tanggapin ang dugo na isasalin sa katawan niya dahil merong reaction.

“Ang sabi sa akin ng doktor, kailangan mag-decide na kami, kailangan ba naming gawin or hindi na namin gagawin.

“So, lahat ng mga kapatid ko, sa akin na sila tumatawag... pati ang kuya ko, tinawagan ko na sa Amerika. Hindi ko na kailangan mag-decide, nahihirapan ako.

“Sa madaling-salita, nag-decide kami, pinirmahan ng mother ko. May waiver na kami.

"Kasi sa 100 percent na tatanggapin, ten percent lang ang puwede. Pag hindi, wala na.

“So, dun ako naniniwala sa lakas ng bisa ng prayers.

"Sa community ng father ko, Catholic kami, pero siya ang pinaka parang pastor ng grupo nila, nag-pray kami, nag-pray.

“Hindi pa naubos ang isang bag, walang initial reaction na nangyari, hindi nagri-react.

"Wala pa ang isang bag, dumilat na siya, malakas na siya!

"Salamat sa Diyos, lalo na dun sa mga nag-pray sa father ko,” masaya niyang kuwento.

Kaya nang inilabas na raw nila ng hospital ang kanyang ama noong mismong kaarawan nito, naghanda raw si Jose bilang pasasalamat at nalagpasan iyon ng kanyang ama.

“Salamat, panibagong buhay yun sa kanya!” bulalas ni Jose.

Ngayon ay nasa bahay lang daw ang kanyang ama at lagi raw nila itong sinasamahan para lalo itong lumakas at ma-inspire na magpagaling.

Sabi pa ng komedyante, “Okay naman ang father ko.

“Tuluy-tuloy lang ang mga treatment na ginagawa sa kanya. Nasa bahay na siya.

“Sabi ko nga, hindi lang kailangan ang pera, ang kailangan ang pagdadasal, dito sa puso.

“Sabi ko nga sa father ko, hindi pa siya kukunin kasi prayer warrior siya, e.”

FAMILY THAT PRAYS... Pareho ang paniniwala nina Jose at Wally na kailangang magkakasama silang pamilya sa pagdarasal para malagpasan nila itong pinagdadaanan nila.

Sabi pa ni Jose, “Ang laki ng pagkukulang ko sa ama ko. Maaga akong nahiwalay sa ama ko.

“Ito lang siguro yung time na kaming magkakapatid na nagtutulungan lahat.

"Awa ng Diyos, salamat sa Diyos, panibagong buhay ito sa kanya.”

Ayon naman kay Wally, marami pa siyang ambisyon para sa kanyang anak.

Matatag din ang paniniwala niya sa Diyos na malalagpasan nila ito at gagaling ang kanyang anak.

“Yung makatapos siya, hangad ko sa anak ko,” pakli ni Wally.

“Alam ko makakayanan naman ni Rian yun, e. Kasi napakalakas ng loob niya, e.

"Sabi nga ng doktor, baka maapektuhan ang vision ni Rian, mawalan siya ng paningin.

"Siyempre naawa kami sa kanya, pero siya, wala.

“Sabi lang niya sa amin, 'Okay lang ‘yan, Pa, may isa pa naman akong mata, e.'

"Alam mo yung ganunin ka ng anak mo?

"Sabi ko, 'Magagawan naman ng paraan ‘yan, e, kaya ginagamot ka.'"

Dagdag pa ni Wally, “Kung puwede lang maibigay ko ang mata ko sa anak ko.

"Pero siya, malakas ang loob, e, hindi kami puwedeng magpakita na napapanghinaan ng loob.”

Dahil sa mga pagsubok na ito, lalo raw tumitibay ang pananalig nina Jose at Wally sa Diyos at ang pagkapit nila sa dasal.

Pahayag ni Wally, “Ang dinadasal ko para sa anak ko na bumuti pa siya kasi napakabata pa niya para malagay sa ganung klaseng sitwasyon.

“Siyempre, pag nawala yung sakit, dobleng saya, at sagot iyon sa mga dasal.

"At siyempre, bilang tatay, bilang magulang, yun siyempre ang gusto mong mangyari sa anak mo.”

Sabi naman ni Jose, “Hindi ako humihiling pag nagdadasal ako.

“Siya na ang mauna sa lahat na gagawin ko. Siya na ang magdesisyon sa lahat na mangyayari sa buhay ko at sa mga mahal ko sa buhay.

“Siya na rin ang magpatakbo kung ano ang dapat. At medyo kantiin niya ako kung saka-sakaling nakakalimot ako.

“Sa ngayon, puro pasasalamat, walang katapusang pasasalamat.

"Kasi nakalagay na ‘yan, e. Naka-format na kung ano ang mangyayari sa buhay natin.

“Pero sana bigyan lang kami ng lakas ng loob, ng tatag para mapaglabanan, at kayang harapin ang kung ano ang dumating sa buhay natin.”

Inayunan naman ito ni Wally.

Sabi niya, “Yun na lang ang itinataas natin na, 'Kayo na po ang bahala.'

"Yung will Niya ang masunod. Hindi yung kung ano ang will ng tao.

"Dasal namin para sa family namin, na yun lang, lumakas lang ang loob namin, kasi mahirap, e.” -- Gorgy Rula, PEP
 
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus