3 dating opisyal ng PCSO, pinayagang makapagpiyansa ng Sandiganbayan sa kasong plunder
Pinayagan ng Sandiganbayan First Division ang tatlong dating opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office na makapagpiyansa kaugnay sa kasong plunder na kanilang kinakaharap kung saan kapwa nila akusado si dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. Sa 44-pahinang desisyon na pinonente ni Associate Justice Rafael Lagos, pinayagan ng anti-graft court na makapagpiyansa sina dating PCSO Board chairman Sergio Valencia, dating Board of Directors Manuel Morato at Raymundo Roquero. Tig-P500,000 ang itinakdang piyansa ng korte kina Valencia at Morato, habang P700,000 naman kay Roquero. Mas mataas ang itinakdang halaga ng piyansa ni Roquero dahil noong Oktubre 2012 lamang ito nagpakita sa korte kahit batid nito na mayroong ipinalabas na arrest warrant laban sa kanya noong Enero 2012. Sa naturang desisyon na kinatigan nina Associate Justices Efren de la Cruz at Rodolfo Ponferrada, lumitaw na nabigo umano ang panig ng tagausig na magpakita ng matibay na ebidensiya para idiin sa P366 million plunder charge ang mga akusado. Gayunman, wala pang ipinalabas na desisyon ang korte sa hiwalay na petisyon na inihain ng kampo ni Arroyo at ng isa pang akusado na si dating PCSO Budget and Accounts Manager Benigno Aguas, na payagan din silang makapagpiyansa. Ang iba pang akusado sa kaso na mayroong ding arrest warrant pero hindi pa naisisilbi ay sina dating PCSO general manager Rosario Uriarte; dating PCSO board directors Jose Taruc V at Ma. Fatima Valdes; at dating Commission on Audit chairman Reynaldo Villar. Ikinatuwa naman nina Morato, Valencia at Roquero ang desisyon ng korte na kaagad naglagak ng kani-kanilang piyansa nitong Biyernes sa Sandiganbayan. Samantala, nananatiling naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City si Arroyo. -- RP/FRJ, GMA News