Pakiusap ni Charice sa kanyang pamilya: 'Sana magkaayos na tayong lahat'
Umapela ang Pinay international singer na si Charice sa kanyang pamilya na tapusin na ang kanilang hidwaan at magkaayos na ngayong nailabas na nila ang saloobin sa isa't isa kasunod ng ginawa niyang pag-amin sa publiko na siya'y tomboy at may karelasyong babae. Sa showbiz talk show ng GMA na Startalk nitong Sabado, magkakasamang kinapanayam ng mga host na sina Joey De Leon, Lolit Solis, Butch Francisco at Ricky Lo si Charice. Basahin: Kapatid ni Charice na si Carl Pempengco, naglabas na rin ng kanyang saloobin Sa simula ng panayam ay inusisa muna ng apat ang mga celebrity crush ni Charice. Kabilang sa mga binanggit nito ay sina Donna Cruz, Sam Pinto, Pauleen Luna at Marian Rivera. Dahil kapangalan ng girlfriend ni Charice na si Allysa Quijano ang isa rin sa mga host ng programa na si Allysa Alano, biniro nina Joey at Lolit ang kontrobersiyal na singer na halikan si Alano. Sa hiling naman ni Lolit, ipinaawit nito kay Charice ang paborito nilang kanta ng kanyang na si Raquel Pempengco na "Maghintay Ka Lamang." Sa huli, nanawagan si Charice sa miyembro ng kanyang pamilya na magkasundo na at huwag nang magsagutan dahil naipahayag na naman nila ang kanilang saloobin tungkol sa usapin. Basahin: Raquel Pempengco: 'Ang pakiramdam po namin ay itinakwil na kami ni Charice' Binigyan-diin din nito ang kanyang pagmamahal sa kanyang pamilya. Naniniwala rin siya na darating ang panahon na matatanggap siya at si Allysa ng kanyang ina. Nagbigay din ng mensahe si Charice sa kanyang nobya na si Allysa na nananatiling matatag sa kabila ng mga negatibong balitang lumalabas tungkol sa kanila. Sinabi ni Charice na mapalad siya na nakasama niya sa buhay si Allysa. - FRJImenez, GMA News