Suspek sa panghahalay sa dalagita, nadakip matapos makipagkita muli sa kanyang biktima
Nadakip ng mga operatiba sa isang entrapment operation ang isang 38-anyos na lalaki na suspek sa paulit-ulit na panghahalay sa isang 15-anyos na babae sa Kalibo Aklan. Sa ulat ng pulisya ng Kalibo, sinabing nadakip ang suspek, tubong Passi, Iloilo, habang nasa loob ng isang motel kasama ang kanyang biktima. Napag-alam na noong pang nakaraang taon naisampa ng pulisya ang kasong rape laban sa suspek pero hindi ito nadadakip. Nang muling makipag-ugnayan ang suspek sa kanyang biktima, inilatag na ang entrapment operation. Paliwanag naman ng dalagita, patuloy na nagbabanta sa kanya ang suspek at kinukunan pa umano ng suspek ng video ang ginagawang panghahalay sa kanya. Gayunman, walang nakuhang kopya ng video sa lalaki nang madakip ito ng mga pulis. Itinanggi rin ng suspek ang mga paratang laban sa kanya. - Jun Aguirre/FRJ, GMA News