Pangmatagalang solusyon, kailangan umano para malutas ang problema ng mga informal settler
Nanawagan sa pamahalaan ang isang pari ng Simbahang Katoliko na magkaroon ng pangmatagalan at tuloy-tuloy na lunas sa problemang kinakaharap ng mga maralitang taga-lungsod. Ang panawagan ay ipinaabot ni Reverent Father Nonong Fajardo, housing consultant ng Caritas Manila, kaugnay na rin ng planong relokasyon ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga informal settler na naninirahan sa peligrosong lugar tulad ng ilalim ng tulay. Sa panayam ng Radio Veritas nitong Martes, sinabi ni Fajardo na matitigil lamang ang pagdami ng mga maralitang taga-lungsod kung magiging mahigpit lamang ang mga lokal na opisyal na hindi sila payagan na manirahan sa mga ipinagbabawal at peligrosong mga lugar. Puna ng alagad ng Simbahan, pinapaalis o inililipat sa kanilang mga tinitirhan ang mga maralitang taga-lungsod pagkatapos ng eleksiyon, pero pinapayagan ding bumalik kapag malapit na eleksiyon dahil sa kanilang boto. “Tama lang naman yun na matanggal dahil delikado lalo na ngayong tag-ulan. Pero bakit napakadaling tanggalin, pero yung mga pumapasok ay napakadaling pumasok? Yun ang katanungan," puna ni Fajardo. Idinagdag niya na noong panahon ng namayapang DILG Sec. Jesse Robredo, nagbigay ito ng kautusan sa mga lokal na opisyal laban sa pagpasok ng mga informal settler sa kanilang mga nasasakupan pero hindi ito ipinatupad. Nangangamba si Fajardo na ngayon ay mainit muli ang atensiyon ng DILG sa mga informal settler dahil tapos na ang halalan pero kung walang mahusay na programa ay magbabalikan din ang mga ito sa kanilang lugar at muling magagamit ng pulitiko sa eleksyon. Una rito, inihayag ni DILG Sec. Mar Roxas ang plano na alisin ang tinatayang 60,000 pamilya na naninirahan sa mga lugar na daanan ng tubig tulad ng ilalim ng mga tulay at gilid ng mga ilog. Basahin: DILG to relocate 60,000 families from Metro Manila waterways Kaugnay nito, ipinagtaka rin ni Fajardo kung bakit nailipat sa DILG ang pangunguna sa paglilipat ng mga informal settler na umano'y dapat trabaho ng National Housing Authority, National Anti-Poverty Commission at Metro Manila Development Authority. “Ang tanong ko nga po, napunta na sa DILG. Pero kapag papasok na ang mga tao (sa bawal na tirahan), walang DILG, walang barangay officials ang nagsasabi na bawal pumasok diyan. Pero ngayong aalis na, lahat ng mga taga-DILG at lokal na pamahalaan ay nandoon,” tanong niya. Sa isang hiwalay na ulat, ipinaalam ni DILG Undersecretary Francisco Fernandez ang plano ng pamahalaan na in-city relocation sa mga informal settler na maapektuhan sa gagawing pagsasaayos ng anim na major waterways sa Metro Manila. Sinabi ni Fernandez na ang mga medium-rise building na itatayo sa Metro Manila ay kayang mag-accommodate ng hanggang 20,000 pamilya. (Basahin: Soon to rise in Metro Manila: In-city relocation sites for evicted illegal settlers). -- MP/FRJ, GMA News