ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaking ipatitingin sana sa albularyo, nagwala; misis, napatay sa saksak


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang ginang ang nasawi matapos saksakin sa dibdib ng kanyang mister na dadalhin sana niya sa albularyo para ipatingin ang pabigla-bigla nitong pagbabago ng ugali sa Mangaldan, Pangasinan. Sa ulat ni CJ Torrida ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing nakasakay na sa tricycle ang mag-asawa kasama ang kanilang dalawang-taong-gulang na anak nang maganap ang krimen. Ayon kay Randy Serote, drayber ng tricycle, tila sinumpong ang lalaki at gustong bumaba ng sasakyan. Hindi na napigilan ang suspek sa pagwawala at sinaksak ang kanyang misis. Nagtamo naman ng bahagyang sugat sa binti ang kanilang anak. Sinabi ni SPO3 Vicente Abrazaldo, ng Mangaldan police, na isang kasamahan nila ang nakakita sa suspek kaya kaagad na nadakip. Nang tanungin umano ang suspek kung bakit nito pinatay ang sariling asawa, idinahilan ng lalaki na may nagpaplanong ipapatay siya kaya inunahan lamang niya. Pinag-aaralan naman ng kaanak ng nasawing ginang kung magsasampa ng kaso laban sa lalaki. Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa nangyaring insidente. - FRJ, GMA News