PNoy, maraming maipagmamalaki sa darating na SONA — Sen. Sotto
Inaasahan ni Senador Tito Sotto na maraming maipagmamalaki si Pangulong Aquino sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address o SONA sa darating na Hulyo, lalo na ang tinatawag na "economic gains" ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon sa ulat ni Nimfa Ravelo ng dzBB, sinabi umano ni Sotto na totoong may mga datos na magpapatunay na lumago ang ekonomiya batay sa pagtaas ng gross domestic product, at mga datos sa pumasok at papasok pang mga investment sa bansa.
May mga sinasabi rin umanong "record high" na pagpalo ng stock market
Gayundin, maganda rin umano ang nakuha ng bansa na "investment rate status" mula sa mga international credit rating agency.
Pero ani Sotto, kailangan pa ring harapin ang hamon na iparamdam sa mga mahihirap at walang trabaho ang paglago ng ekonomiya.
Ayon kay Sotto, sa kabila na mga patunay ng paglago ng ekonomiya, halos tatlong milyon pa rin umano ang walang trabaho.
Hindi pa rin umano nababawasan ang bilang ng mga mahihirap batay sa talaan ng National Statistics Coordination Board.
Ang mga ito, ayon kay Sotto, ay malaking hamon sa administrasyong Aquino sa darating pang tatlong taon. — RC /LBG, GMA News