ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

De Lima: Tauhan ng Coast Guard pinakakasuhan ng NBI dahil sa pagkamatay ng Taiwanese


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kinumpirma ni Justice Secretary Leila de Lima na inerekomenda ng National Bureau of Investigation ang pagsampa ng kasong administratibo at kriminal laban sa isang tauhan ng Philippine Coast Guard kaugnay sa pagkamatay ng isang mangingisdang Taiwanese noong Mayo 9.

"I confirmed in an interview here in Madrid that the NBI report is now with the President and that the NBI has recommended the filing of charges against the PCG personnel involved in the incident," ayon sa isang text message ni De Lima sa media nitong Huwebes.

De Lima ay kasalukuyang nasa Madrid, Spain para sa World Congress Against Death Penalty.

"But what exactly are the charges, I did not and cannot disclose yet pending the President's clearance," aniya.

Sinesiguro naman ni De Lima sa publiko na walang bahid ng impluwensya ng Taiwanese investigators sa resulta ng imbestigasyon ng NBI at sa rekomendasyon nito.

"Hopefully, the conclusions from both sides would jibe or are not that different," dagdag pa niya.

Noong Martes, ipinasa ng NBI ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa kaso kay De Lima, at ipinasa naman ito ng DOJ chief kay Pangulong Benigno Aquino.

Nang tanungin ukol sa mga detalye, sinabi ni NBI Deputy Director Virgilio Mendez sa mga reporter: "Sorry, I am not privy to answer your question. It is beyond me to comment about the case now."

Pero sinabi ni Mendez na may ipinadala rin na mga dokumento, na hiniling ng NBI, ang Taiwan government – kabilang sa mga ito ay ang "authenticated copies" ng  ballistics exam results at autopsy report.

"I don't know if it's part of the documents transmitted to us by the Taiwan Economic and Cultural Office," ayon kay Mendez nang tanungin kung kasama sa mga dokumentong ipinadala ng Taiwan ay ang kopya ng murder complaint na inihain ng anak na babae ng biktimang mangingisda.

Pahayag ng PCG

Nang hiningan ng pahayag, sinabi ni PCG spokesperson Armand Balilo sa GMA News Online na magbibigay sila ng pahayag matapos nila matanggap ang opisyal na komunikasyon galing sa DOJ.

“Magre-react kami ‘pag may official communication na. Ngayon kasi [ay] wala pa,” ayon kay Balilo.

Napatay ang mangingisdang si Hung Shih-cheng, 65, noong May 9 sa Balintang Channel malapit sa Luzon Strait nang pagbabarilin ng mga tauhan ng Coast Guard ang bangkang pangisda nito.

Ayon naman sa Coast Guard, tinangka umano ng mangingisda na banggain ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources kaya binaril ang bangka.

Bilang protesta sa nangyari, ipinahinto ng Taiwan ang pagtanggap ng mga Filipinong mangagawa, kabilang na ang ilang mga hakbang laban sa Pilipinas.

Nagsagawa ng dalawang magkahiwalay na imbestigasyon ang Taipei at Manila ukol sa insidente.

Sa Bahagi ng Pilipinas, inatasan ni Pangulong Aquino ang NBI na pamunuan ang imbestigasyon. — LBG, GMA News