Palasyo: DOST kukuha ng mga bagong weather forecaster
Sa pagpasok ng tag-ulan at sa kabila ng pagbabakasyon ng direktor ng PAGASA, inanunsyo ng Malacañang na magha-hire ng mga bagong weather forecaster ang Department of Science and Technology.
Ito’y para umano mapunan ang malaking kakulangan ng mga tauhan ng PAGASA na pinangangasiwaan ng DOST.
Ayon kay presidential spokesman Edwin Lacierda, inabisuhan na siya ni DOST Secretary Mario Montejo na may mga hakbang na silang ginagawa upang madagdagan ang kanilang mga tauhan sa lalong madaling panahon.
Ang hakbang na tio ay alinsunod na rin sa nais ni Pangulong Benigno Aquino na isailalim sa modernisasyon ang PAGASA, na ani Lacierda ay isa sa mga prayoridad ng Malacañang.
Sa ngayon, aabot sa 30 bagong weather forecasters ang kailangan ng PAGASA upang makatulong sa mabigat na trabaho ng ahensya.
Samantala, matatandaang nagbakasyon si Dir. Nathaniel Servando, na napabalitang nagtatrabaho na ngayon sa Dubai dahil umano sa kakarampot na sahod at benipisyo sa PAGASA. — RC /LBG, GMA Nes