GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

2 uri ng halaman, mabisa umanong panlaban sa dengue

June 15, 2013 11:04pm
Isang bagong cream na gawa sa dahon ng neem tree ang sinasabing mabisang panlaban sa kagat ng lamok na maaaring nagdadala ng dengue virus.
 
Naniniwala ang mga barangay health worker ng bayan ng Sta. Barbara sa Iloilo na ang masamang amoy ng dahon ang nagtataboy sa mga lamok, ayon sa isang report sa “State of the Nation” nitong Huwebes.

Mismong mga health worker pa umano ang gumagawa at namimiigay ng "Kontra Dengue" cream sa mga residente.

Basahin: Bagong cream na gawa sa dahon ng neem, mabisa raw na pangontra sa kagat ng lamok

Taong 2010 pa umano pinag-aralan ng lokal na pamahalaan ng Sta. Barbara ang naturang mosquito repellent cream.
 
Ayon sa pag-aaral ni Encarnacion Soriano, isang health worker sa nasabing bayan, ginagamit din ang neem leaves kontra sa sakit na malaria.
 
“I think may study sa India noong 1991 na ginamit sa malaria. Di ba ang malaria, ang vector niya ay lamok din? Bumaba ang kaso nila ng malaria nang ginamit nila ang extract ng Neem tree leaves,” paliwanag nito.
 
Tawa-tawa, mabisang panlunas dengue
 
Sa isang bagong pag-aaral naman ng UERM Memorial Medical Center Inc., sinabi nito na isang mabisang lunas sa dengue ang halamang tawa-tawa.
 
Sa pag-aaral ng mga eksperto, karamihan sa mga uminom ng tawa-tawa habang may sakit na dengue ay mas naging mabilis ang paggaling.
 
“Meron siyang promise. Nakikita natin ang diperensya ng responses ng platelet ng mga tao,” ayon kay Dr. Georgina Paredes, principal investigator sa Tawa-tawa research project ng UERM.
 
Paliwanag naman ni Dr. Josefina Cruz, isa rin sa mga principal investigator ng nasabing proyekto: “’Yung bagsak ng platelet doon sa nakainom [ng tawa-tawa] ay mas maliit, at ang pagtaas naman [ng platelet] o paglaki ay mas mabilis. ‘Yon po siguro ang isang maganda at positive trait that was seen.”
 
Ngunit, nilinaw ni Dr. Isaac David Ampil II, head ng research team, na nangangailangan pa ng mas malalim na pag-aaral ang kanilang proyekto. Hindi umano nilalayon ng proyekto na palitan ang ibang gamot na panlaban sa dengue, bagkus, maganda umanong maging dagdag na gamot ang tawa-tawa.
 
“Kung meron kayong tawa-tawa sa backyard ninyo at mukhang safe naman siya [pwede ninyong gamitin]… [pero hindi dapat tawa-tawa lang,] part siya ng standard treatment,” aniya.
 
Nanindigan naman ang Depart of Health na hindi nito nirerekomenda ang pag-inom ng tawa-tawa sa mga biktima ng dengue.
 
“There are several varieties of tawa-tawa. So, what is important, they were able to isolate the chemical ingredient that will be responsible for the properties na… pinag-aaralan nila. It is too early to recommend its use for dengue patients at this time,” pahayag ni Dr. Eric Tayag, tagapagsalita ng DOH. - RRD/FRJ, GMA News
Go to comments