ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

DSWD, inaming problema pa rin ang human trafficking sa bansa


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Aminado ang Department of Social Welfare and Development na malaking problema pa rin sa bansa ang human trafficking.

Batay sa datos ng DSWD noong 2012, aabot 1,376 ang bilang ng naitalang biktima ng  iba’t iba uri ng human trafficking sa Pilipinas, ayon sa ulat ni Alan Gatus ng dzBB.

Patuloy umano ang pagbibigay ng ayuda ng kagawaran, partikular na ang "Recovery and Reintegration Program" upang makarekober ang mga biktima.

Samantala, ayon sa DSWD, aabot sa 1,519 na kaso ng human trafficking ang kanilang naisampa sa pakikipagtulungan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).

Sa mga kasong naisampa, 100 ang nasentesyahan noong 2012.

Ang pinakahuling matagumpay na kaso ay laban sa nagngangalang Sonny Francisco, na hinatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo ng Manila Trial Court noong nakaraang Marso.

Iginiit naman ni DSWD Sec. Dinky Soliman na maigting ang kanilang kampanya laban sa mga human trafficker at katuwang nila ang Department of Justice.

Sa katunayan, nitong ika-14 ng Hunyo, sinimulan na umanong ipalabas ang kanilang pelikula na pinamagatang “Iligtas mo ako” at patuloy na mapapanood ito sa ilang mga sinehan sa loob ng anim na buwan.

Tinatalakay sa nasabing pelikula ang tungkol sa sex and labor trafficking. — RC /LBG, GMA News