Ilang baril na nasa kostudiya ng korte sa Cebu, nawala
Iniimbestigahan ngayon ang mga kawani ng Branch 4 ng Municipal Trial Court ng Palace of Justice sa Cebu City dahil sa pagkawala ng ilang baril na nasa kanilang kostudiya. Napag-alaman na tatlo sa nawawalang baril ay ginagamit na ebidensiya sa asunto. Nadiskubre ang pagkawala ng may 13 baril nang maghain ng mosyon ang isang litigant sa isang kaso para muli niyang makuha ang kanyang baril na nasa kostudiya ng korte. Tumangging magpaunlak ng panayam ang officer-in-charge ng clerk of court ng nasabing branch tungkol sa nasabing usapin. Pero sa ipinalabas niyang ulat, sinabi nito na walang indikasyon na sapilitang binuksan ang pinaglalagyan ng mga baril. Isa sa mga tinitingnang anggulo ngayon ng pulisya ang posilibidad ng inside job. Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng security breach sa Palace of Justice ng Cebu. Limang buwan na ang nakakaraan nang maganap ang insidente ng pamamaril sa Branch 6 ng Municipal Trial Court, kung saan isang Canadian national na may kinakaharap na kaso ang namaril. Napatay ng suspek ang duktor na nagsampa ng reklamo laban sa kanya at ang abogado nito. Nagbaril naman sa sarili ang suspek. -- Alan Domingo/FRJ, GMA News