Chynna Ortaleza, mag-iibang anyo na sa 'Kakambal ni Eliana'
Lalong magiging kaabang-abang ang susunod na mga kabanata sa Afternoon Prime series ng GMA-7 na "Kakambal ni Eliana" ngayong magbabagong anyo na si Minerva bilang taong-ahas, ang karakter na ginagampanan ng Kapuso kontrabida na si Chynna Ortaleza. "Hindi naman lahat ng tao na mabigyan ng opportunity na gumawa ng ganitong klaseng karakter. First time din daw mangyayari 'yan sa television. It's quite a privilege," wika ni Chynna. Sa "Star Bites" ng GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, iniulat na papasukan ng isang itim na serpent si Minerva kaya siya magiging taong ahas. Dahil din dito, magiging kontrabida siya ni Eliana, na ginagampanan naman ni ni Kim Rodriguez. Sinabing imported ang mga materyales na ginamit para sa snake skin ni Chynna at bukod sa prosthetics, gagamitan din ng body paint ang aktres. Halos tatlong oras umano ang proseso ng paglalagay prosthetics ng special effects team sa katawan ng aktres. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News