Congresswoman-elect Garcia ng Cebu, iginiit na hindi siya dapat suspindihin
Naghain ng petisyon sa Sandiganbayan Second Division si Congresswoman-elect at outgoing Cebu governor Gwendolyn Garcia na ibasura ang mosyon ng Office of the Ombudsman na suspindihin siya kaugnay sa mga kinakaharap na kasong katiwalian na nakabinbin sa anti-graft court. Sa 12-pahinang petisyon na inihain ng kampo ni Garcia, kinontra nito ang posisyon ng Ombudsman na pagtanggap sa "validity of the informations" sa kinakaharap na kasong katiwalian ang paghahain ng gobernador ng “not guilty” plea nang basahan ito ng sakdal noong Marso 22. Naghain ng mosyon noong June 5 sa Sandiganbayan ang Ombudsman para pigilan ang pag-upo ni Garcia bilang bagong halal na kongresista ng Cebu. Ito'y kaugnay sa isinampa nilang kasong katiwalian laban sa gobernador dahil sa umano'y maanomalyang pagbili ng pamahalaang panlalawigan sa 24.92- hektaryang Balili Estate na nagkakahalaga ng P98.93 milyon noong 2008. Basahin: Pag-upo sa Kamara ni Cebu Representative-elect Gwendolyn Garcia, ipinapipigil sa Sandiganbayan Noong Disyembre 2012, pinatawan ng anim na buwang suspensiyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) si Garcia dahil naman sa reklamo ng dating bise gobernador ng lalawigan. Nitong nakaraang May elections, nanalo si Garcia bilang kongresista ng ikatlong distrito ng Cebu. Nanalo naman bilang bagong gobernador ng lalawigan si Hilario "Junjun" Davide III. Sa petisyon, iginiit ng kampo ni Garcia na wala itong ginawang pagtanggap sa "validity of the information." Katunayan, naghain pa umano sila ng "motion to quash" o pagbasura sa kaso noong Mayo 21, 2013. “It is elementary that a Motion to Quash is filed precisely to question the validity of the information," paliwanag ng kampo ni Garica. "The prosecution’s claim that Governor Garcia has admitted to the validity of the informations is erroneous at best and at worst, a blatant misrepresentation.” Wala rin umanong dahilan para suspindihin muli si Garcia ngayong natapos na ang ipinataw na anim na buwang suspension order sa opisyal. Iginiit ng kampo Garcia na ang hinihinging suspension order ng Ombudsman ay paraan lamang upang ituloy ang umano'y panggigipit at pagpapahiya sa papaalis na gobernadora. “It simply makes no sense to suspend her at this time precisely because she has already been prevented access to her Office that there is no other purpose for the Prosecution’s Motion to Suspend than to further embarrass and harass Governor Garcia. Such machinations are not only oppressive, they are cruel,” paliwanag ng kampo ni Garcia. - RP/FRJ, GMA News