Umano'y 'sexploitation' sa mga nagigipit na OFWs, kinondena ng opisyal ng CBCP
Kinondena ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang napaulat na umano'y pangsasamantala ng ilang opisyal sa embahada ng Pilipinas sa Middle East sa mga nagigipit na Pinay Overseas Filipino Workers (OFWs) na nais umuwi na sa bansa. Ayon kay Maasin Bishop Prescioso Cantillas, chairman ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMIP), nakalulungkot kung totoo ang balitang may mga opisyal ng embahada ng Pilipinas na nagsasamantala sa gipit na sitwasyon ng mga OFW na dapat nilang tinutulungan. Una rito, ibinunyag ni Akbayan party-list Rep. Walden Bello, na mayroon mga opisyal ng embahada ng Pilipinas at Philippine Overseas Labor Office (POLO ) sa Gitnang Silangan na sangkot sa tinatawag na "sex for fly" o sex kapalit ng pagtulong para makauwi sa bansa ang OFW. Basahin: 'Sex for repat' scheme sa Middle East, pinaiimbestigahan ng DOLE; DFA, nabahala “Nalulungkot tayo at kinukondena natin ang hindi magandang ginagawa ng kung sinuman ang mga nag-exploit sa ating mga kababayan," pahayag ni Cantillas sa panayam ng Radyo Veritas nitong Miyerkules. "Hirap na hirap na nga sila tapos dadagdagan pa ng masamang gawa. Sila na nga ang hirap sa buhay, sila pa ang pinahihirapan ng mga opisyal pa (naman) ng pamahalaan," dagdag ng obispo. Sakabila nito, tiwala naman si Cantillas na magkaroon ng resulta ang iniutos na imbestigasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs para malaman ang katotohanan sa alegasyon. Basahin: PHL envoys, staff in alleged sex-for-fly scheme ordered home to face probe "Maganda naman sa ating gobyerno ang DOLE at DFA ay gumagawa na ng hakbang para malutas ang ganung klaseng masasamang gawain ng ating mga government officials at maparusahan ang mapapatunayang may kagagawan nito,” aniya. Gayunpaman, pinuna pa rin Cantillas ang kahirapan at kawalan ng oportunidad sa Pilipinas na dahilan umano kaya napipilitang mangibang bansa ng mga Pinoy upang maghanap ng trabaho. “Yung usapin talaga sa ating mga kababayan na parang napipilitang umalis sa bansa dahil sa hirap ang trabaho dito at ang ating ekonomiya ay talagang hindi pa nakakapagbigay ng sapat para sa karamihan," pahayag pa niya. Matitigil lamang umano ang pag-alis ng mga Pinoy para magtrabaho sa abroad kapag dumating na ang panahon na may sapat ng trabaho sa Pilipinas at kaya ng ibigay ng ekonomiya ang pangangailangan ng mamamayan. - MP/FRJ, GMA News