Kilalanin ang ilang artistang nagsimula bilang extra
Isa ang "Vampire ang Daddy Ko" star na si Glaiza de Castro na nagsimula bilang extra sa mga palabas bago pa man ito matanggap bilang bida sa mga palabas tulad ng "Temptation of Wife" at "Biritera."
Ayon sa ulat ni Cata Tibayan sa "News To Go" nitong Huwebes, 12 anyos pa lang ay nagsimula na si Glaiza sa pagiging extra hanggang sa makuha nito ang malalaking role dahil hinangaan ito sa galing sa pag-arte lalo na sa pagiging kontrabida.
Dahil mayroon itong hawig sa aktres na si Angel Locsin, ilang beses itong kinuha bilang body at stunt double nito.
Ani Glaiza, "Pipila [at] mag-aantay ng napakatagal. diba 'yong mga hirap nila... Tapos siyempre wala ka namang matinong standby area noon."
Sa indie film naman na "Dance of the Steel Bars" na pinagbibidahan ng Kapuso top actor na si Dingdong Dantes, ang theater actor na si Joey Paras markado rin ang pagganap bilang si Alona.
Napansin na rin ang pagganap ng aktor bilang si Tracy sa indie film na "Bwakaw" kasama ang beteranong actor na si Eddie Garcia. Ayon pa sa kanya, mahirap daw talaga maging extra.
"Ang gagawin ko lang naman uupo pamparami. Uupo ako sa restaurant nakatalikod, eh, sobrang kintab ng damit ko. Sabi nong direktor 'sino yan? Out! Out yong naka makintab na damit.' Sobrang sama ng loob ko non," kwento ni Joey.
Gayundin, kahit maraming pinagdaanan ang mga artistang nabanggit, hindi raw nila ipagpapalit ang kanilang nakaraan bilang mga extra.
Ayon pa kay Joey, "Hindi magmumukhang mall yan kung walang taong dumadaan. Importante din ang ang mga extra."
Para naman kay Glaiza, "'Yong passion lang na meron sila, parang enough na rin 'yon to take them wherever. Kasi hindi mo alam kung saan ka dadalhin ng talento mo, eh."
Samantala, usap-usapan naman sa social media sites ang kwelang trailer ng Cinemalaya Director's showcase entry na "Ekstra: The Bit Player" na pagbibidahan ng nag-iisang Star for all seasons na si Vilma Santos na gaganap bilang isang dakilang "extra" sa mga palabas.
Gaganap ito bilang si Loida Malabanan na sa pagiging tagahanga hanggang sa audition sa role. Walang maliit na role para sa karakter na ito kahit siya pa ay maigapos, tadyakan, at pahirapan ng kontrabidang si Cherie Gil. — Mac Macapendeg/BM, GMA News