Bagong silang na sanggol na idineklarang patay nang iluwal, nabuhay
Laking gulat ng isang babae nang marinig ang iyak ng sanggol na idineklarang patay nang iluwal ng ina at inilagay na sa kahon para dalhin sa punerarya sa Cotabato. Sa panayam ng dzND radio kay Janet Rinsulat, tiyahin ng sanggol, sinabi nito na isinilang ang premature na bata sa pamamagitan ng normal delivery sa Cotabato Provincial Hospital noong umaga ng Linggo. Ngunit ipinaalam sa kanila ng staff ng ospital na patay ang bata at hindi umiyak nang lumabas. Pagkaraan pa ng isang oras, inilagay na nila ang sanggol sa kahon at ipinagkatiwala sa isa nilang kamag-anak habang hinihintay ang sasakyan ng puneraryang pagdadalhan nila sa bata. Subalit nagulat umano ang kaanak nila na may hawak ng kahon nang makarinig ng iyak ng sanggol sa loob ng kahon. Kaagad umano nilang ibinalik sa ospital ang sanggol at inilagay naman sa Neo-Natal Intensive Care Unit dahil sa pagiging premature nito nang isilang. Gayunman, inireklamo naman ng mga kaanak ng sanggol ang umano'y hindi maayos na pag-asikaso sa bata at paghingi ng deposito para maipagamit ang oxygen tank. Nais din nilang mapapanagot ang mga nagkamali sa pagdeklara sa bata na patay na. Inihayag naman ni Dra. Eva Rabaya, assistant chief ng ospital, na paiimbestigahan nila ang insidente. Sa kabila ng pagtiyak na gagawin nila ang lahat para sa ikabubuti ng kondisyon ng sanggol, hindi naman nila mabigyan ng kasiguraduhan na tuluyan itong mabubuhay. Bukod sa premature ang sanggol, nagkaroon umano ito ng ng impeksiyon. “I can’t give the details but rest assured we will do everything to give the necessary service to the baby,” ayon kay Rabaya. -- MCM/FRJ, GMA News